One Meralco Foundation Kaisa ng Pamahalaan sa Pagpapalakas ng Kahandaan sa mga Kalamidad at Sakuna

Suportado ng One Meralco Foundation ang paglulunsad ng PlanSmart Ready to Rebuild web app
ng gobyerno upang mapalakas ang kapasidad at kakayanan ng mga lokal na pamahalaan na
rumesponde sa mga likas na sakuna at kalamidad.

 

Matatagpuan malapit sa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas kaya naman madalas itong
makaranas ng mga likas na sakuna at kalamidad gaya ng lindol, pagsabog ng bulkan,
at mga bagyo.

Suportado ng Manila Electric Company (Meralco), sa pamamagitan ng social
development arm nito na One Meralco Foundation (OMF), ang pagpapalakas ng
kahandaan at kapasidad ng mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan para
rumesponde sa mga ganitong insidente sa pamamagitan ng web application na
PlanSmart Ready to Rebuild.

Ang PlanSmart Ready to Rebuild web app ay binuo ng Department of Science and
Technology (DOST) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa tulong ng
National Disaster Risk Reduction and Management Council, at Office of Civil Defense.

Suportado rin ito ng gobyerno ng Japan, Global Facility for Disaster Reduction and
Recovery, at ng World Bank.

Sa tulong ng mga siyentipikong ebidensya at kaalaman na napapaloob sa app, mas
mabilis na makakabuo ang mga lokal na opisyal ng mga programa para sa
rehabilitasyon ng mga komunidad sa panahon ng sakuna.

 

Sumailalim sa pagsasanay ang iba’t-ibang miyembro ng mga lokal na pamahalaan para
matutunang gamitin ng maayos ang PlanSmart Ready to Rebuild web app.

 

Ayon kay Jeffrey O. Tarayao, pangulo ng OMF, ang PlanSmart Ready to Rebuild App
ay pamumuhunan para sa kaligtasan ng mga komunidad at proteksyon ng mga siyudad
sa oras na may dumating na sakuna.

Layunin ng proyektong ito na gamitin ang pagsasaliksik, siyentipikong pagdedesisyon,
at pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor ng lipunan para makatulong sa mga lokal na
pamahalaan na makamit ang layunin nitong makabuo ng maayos at napapanatiling
sistema para sa pagresponde sa mga natural na sakuna at kalamidad.

Dagdag pa ni Tarayao, nakasalalay sa mga lokal na pamahalaan ang responsibilidad
na aralin kung paano magagamit ang app para sa pagpapalakas ng kahandaan ng
kani-kanilang mga komunidad para na rin sa kinabukasan ng mga Pilipino.

 

Pagpapalakas sa kapasidad at kakayanan ng mga lokal na pamahalaan

Nagbigay ng mensahe ang pangulo ng One Meralco Foundation na si Jeffrey O. Tarayao sa
opening ceremony ng isang training session sa pag-gamit ng PlanSmart Ready to Rebuild web
app na dinaluhan ng kinatawan ng iba’t-ibang local na pamahalaan.

 

Simula pa noong Nobyembre 2022, katuwang na ng pamahalaan ang OMF sa
pagsasagawa ng iba’t-ibang mga pagsasanay para matutunan ng iba’t-ibang lokal na
pamahalaan ang wastong paggamit ng PlanSmart Ready to Rebuild web app.

May mga programang naibahagi sa higit 180 na mga kalahok mula sa 52 na iba’t-ibang
lokal na pamahalaan kabilang na ang mga nasasakupan ng Metro Manila, Southern
Tagalog Region, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Kabilang sa
mga dumalo sa mga pagsasanay ay ang mga data manager, mga disaster risk
reduction and management officer, mga planning officer, at iba pang mga technical staff
na kasali sa pagbuo ng mga lokal na programa kaugnay ng paghahanda sa mga likas
na sakuna at kalamidad.

Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., magandang pagkakataon ang
pagsasanay upang matutunan ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya gaya ng
PlanSmart app para sa pagsusulong ng kaligtasan ng ating mga komunidad.

Isa sa mga dumalo sa mga pagsasanay si Marlon Lopez, Local Disaster Risk Reduction
Management Officer 1 ng Pasay City. Aniya, ang PlanSmart Ready to Rebuild app ay
patunay sa kahalagahan ng pagiging handa sa anumang krisis o sakuna. Dagdag pa ni

Lopez, nakatutulong din ang nasabing app sa kanilang kahandaan na maging mas
maagap sa pagresponde sa mga epekto ng likas na sakuna sa kani-kanilang mga
distrito.

 

Suportado ng One Meralco Foundation ang isinasagawang mga pagsasanay na layuning
mapalakas ang pagrespomde sa mga likas na sakuna ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa
tulong ng PlanSmart Ready to Rebuild app. Makikita sa larawan sina (L-R) Office of Civil Defense
Rehabilitation and Recovery Management Services Director Harold Cabreros, DOST-PHIVOLCS
Director Teresito Bacolcol, Dating OCD Region 4-A Director Maria Theresa Escolano, DOST
Secretary Renato Solidum, Jr., World Bank Operations Manager for Brunei, Malaysia, Philippines
and Thailand Achim Fock, One Meralco Foundation President Jeffrey O. Tarayao at World Bank
Senior Disaster Risk Management Specialist Marilyn Tolosa-Martinez.

 

Napansin at ikinatuwa naman ng World Bank ang pagbuo ng PlanSmart Ready to
Rebuild web app kasabay ng muling pagpapatibay ng suporta nito sa pamahalaan ng
Pilipinas.

Ayon kay World Bank Senior Disaster Risk Management Specialist Lesley Y. Cordero,
maaasahan ng Pilipinas ang kanilang suporta sa pagpapatatag ng kultura ng
kahandaan sa bansa.

Aniya, ikinalulugod nilang maging bahagi ng programang ito kasama ang mga
miyembro ng pribadong sektor katulad ng OMF. Binigyan diin din ni Cordero ang kahalagahan ng pangkalahatang kahandaan para tumugon sa mga epekto ng likas na
sakuna.

Ang mga kasangkapang digital katulad ng PlanSmart Ready to Rebuild app ay bahagi
ng tuluy-tuloy na pagsisikap ng gobyerno, katuwang ang OMF na mapalakas ang
katatagan ng mga lokal na komunidad laban sa mga natural na sakuna tulad ng bagyo
na madalas manalasa sa bansa.

Dagdag pa ni Tarayao, maliban sa pagiging handa sa mga likas na sakuna, naniniwala
ang OMF na dapat lubusin ang magagamit na teknolohiya para sa mas epektibong
pagtugon sa mga ito.

Makakaasa naman ang pamahalaan sa tuluy-tuloy na suporta ng Meralco sa mga
proyekto nito para sa ikabubuti ng lipunan. Sa pangunguna ng OMF, patuloy na
nagsasagawa ang Meralco ng mga energization program at pakikipagtulungan sa iba’t-
ibang mga komunidad upang makapaghatid ng napapanatiling solusyon na maghahatid
ng malawakan at tuluy-tuloy na pagbabago.

 

PAGPAPABUTI NG PAGTUGON SA SAKUNA. Sinusuportahan ng One Meralco Foundation ang
mga regional training sessions gamit ang PlanSmart Ready to Rebuild app upang mapagbuti ang
mga plano ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan upang tugunan ang epekto ng mga darating sa
sakuna.

 

MAGING LAGING HANDA. Inaaral ng mga kinatawan ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan ang
PlanSmart Ready to Rebuild app. Sinusuportahan ng One Meralco Foundation ang rollout ng
nasabing web app para mapabuti ang kanilang pag-tugon sa epekto ng mga sakuna.

 

319

Related posts

Leave a Comment