ONE REPAT COMMAND CENTER BINUKSAN NA

AKO OFW Ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

MATAPOS ang napakaraming taon na pagkakaroon ng OFW ay unti-unti nang nararamdaman ng mga bagong bayani ang pagkalinga ng ating gobyerno. Nitong nakaraang Miyerkoles ay pormal na kasing binuksan at pinasimulan ni Department of Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople ang matagal nang hinihiling ng mga OFW – ang pagkakaroon ng isang opisina na kanilang matatakbuhan at ito ay ang One Repatriation Command Center (ORCC).

Kung dati ay mistulang tsinu-tsubibo ang mga pamilya ng OFW dahil kailangan nilang pumunta alinman sa Philippine Overseas Labor Office (POLO), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) o kaya sa Department of Foreign Affairs (DFA) para lamang humingi ng tulong sa pagpapauwi ng kanilang kapamilyang inabuso, namatay o may karamdaman.

Sa bagong programa na ORCC na pinasimulan ni Sec. Ople ay iisa na lamang ang kanilang pupuntahan at ito ay matatagpuan sa 2nd floor ng POEA Building sa Ortigas Ave. cor EDSA. Sa opisinang ito tatanggapin at kakalapin ang lahat ng impormasyon na kinakailangan para sa mabilis na koordinasyon saan mang bansa naroon ang kanilang pamilya.

Bukod pa sa pagtanggap ng mga sumbong, inatasan din ni Sec. Ople ang mga kawani na namamahala sa ORCC na tungkulin din nitong bigyan ng regular na pag-update o impormasyon ang pamilya upang maibsan ang kanilang pag-aalala. Inatas din ni Sec. Ople na hindi dapat tantanan ng ORCC ang anomang kaso na idinulog sa kanila ng pamilya hanggat hindi nakakauwi ang ating kabayaning OFW.

Ngunit napansin ko lamang na may kaunting mga bagay pa ang dapat na pag-ukulan ng pansin ng DMW at ng DFA. Sa kasalukuyan sistema kasi, kung halimbawa na ang pamilya ng OFW ay dumulog sa ORCC upang mapauwi ang bangkay ng isang OFW mula sa ibang bansa, ay kinakailangan pa rin nitong magtungo sa DFA para lamang pumirma ng ilang mga dokumento na katulad ng Letter of Acceptance at affidavit.

Mungkahi natin sana na ipagkatiwala na ng DFA ang anomang dokumento na kinakailangan na pirmahan sa DMW at matapos na makumpleto ang detalye ay ang DMW na lamang ang magpapadala sa DFA upang sa gayun ay hindi na mapapagod pa ang ating mga kababayan sa pagtungo sa dalawang opisina. Taliwas kasi ito sa layunin ng pagkakaroon ng tinatawag na “One Stop Shop” upang maibsan na ang paghihirap ng pamilya ng mga OFW na dumudulog sa DMW.

Bukod sa pagkakaroon ng One Repatriation Command Center ay may isa pa rin programa na ilulunsad ang DMW na tiyak na makatutulong ng malaki sa ating mga kababayan sa ibang bansa.

Tunay na kahanga-hanga ang pagsisimula ni Sec. Ople at patunay lamang na importante talaga na ang namumuno sa departamentong ito ay may tunay na puso para sa kapakanan ng mga OFW na katulad ni Sec. Susan “Toots” Ople.

**********************************

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com

457

Related posts

Leave a Comment