GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
HINDI lang hangin ang umaalon sa panahon ng bagyo. Minsan, mas malakas pa ito sa Wi-Fi.
Tuwing may malakas na bagyo, mas mabilis pang kumalat ang content ng mga tao sa social media kaysa ulan na bumabalong sa kalsada. Puno ng photos at videos ang feed natin, nagpapakita ng baha, nabuwal na puno, at mga taong nag-aalala. Pero ang tunay na bagyo ay hindi laging nasa labas. Minsan, ito rin ay umuusbong sa screens natin, kung saan mabilis kumalat ang maling impormasyon at pekeng videos na nagdudulot ng kaba at takot.
Pagkatapos tumama ang Super Typhoon Uwan, naging baha rin ng content ang social media. May mga clip na akala mo ay totoo, nagpapakita ng bumagsak na tulay at umiiyak na pamilya. May iba namang nagbabala ng paparating na malakas na bagyo. Pero sa masusing tingin, maraming clips ang luma na, may iba na galing pa sa ibang bansa, o inedit lang para makakuha ng views at pansin. Mayroon ding pekeng donation drives na ginawa ng taong nagpapanggap na tumutulong. Nakalulungkot isipin na sa oras ng pagdurusa ng iba, may iilan pa ring nag-iisip kung paano pagsasamantalahan ito para sa kanilang sariling interes.
Sinasabi ng iba na kahit mali, nakatutulong pa rin ang pagbabahagi para magbigay ng awareness. Pero anong klase ng awareness ang nabubuo kung kasinungalingan ang pinaghuhugutan nito? Kahit hindi sinasadya, nakasasama ang pagbabahagi ng pekeng impormasyon lalo na sa mga tao na natatakot na. Isipin mo na lang na habang nag-aalala ka sa bubong na matatangay ng hangin, tapos may viral post na nagsasabing may paparating pang super typhoon bukas. Kumakalat agad ang takot at hindi lang sa pisikal na mundo kundi pati na rin sa isip ng tao, at hindi ito nakatutulong sa sinoman.
Mas kumplikado ang sitwasyon ngayon dahil sa teknolohiya. Sa pag-usbong ng AI, mas kapani-paniwala na ngayon ang mga pekeng video at post. May mga AI voice na parang opisyal at kalmado, nagbababala tungkol sa mga sakuna na hindi naman totoo. Maraming tao ang naniniwala pa rin sa nakikita nila sa social media, kaya kapag mukhang totoo ang pekeng babala, mabilis kumalat ang takot sa maraming tao na hindi pa handa o hindi nag-iisip nang maayos bago maniwala.
Hindi rin nakaligtas sa ganitong sitwasyon ang Cebu pagkatapos ng earthquake. May viral video na nagsasabing paparating na ang “The Big One.” Hindi ito totoo, pero nakapagpalaganap ng matinding kaba sa mga tao na naapektuhan at nagdulot ng mas malaking stress sa oras ng pangamba. Ipinakita nito kung gaano kadali kumalat ang maling impormasyon, lalo na kung mataas ang emosyon ng mga tao. Parang mas iniintindi ng ilang content creator ang likes at shares kaysa katotohanan at kabutihan ng kanilang ginagawa.
Masakit isipin na habang ang tunay na biktima ay naghihirap at nagtatangkang mabuhay sa gitna ng kalamidad, may iba namang abala sa paggawa ng pekeng content para lang sa atensyon. May ilan pang nagpapanggap na volunteer o charity group para manghingi ng pera sa mabubuting tao. Ito ay kasakiman na nakabalot sa pagpapanggap na may malasakit, at nagdudulot ng labis na pagkadismaya. Hindi lang nila niloloko ang iba, ninanakaw pa nila ang tiwala na nagpapanatili ng samahan, at tulong sa panahon ng sakuna.
Malaking tulong ang social media sa panahon ng kalamidad. Nakatutulong ito sa paghahanap ng nawawalang mahal sa buhay, pagkonekta sa rescuers sa mga nangangailangan, at mabilis na pagbabahagi ng totoong impormasyon. Pero isang maling post lang, maaaring sirain ang lahat ng kabutihang ito at madaragdagan ang takot at pangamba sa komunidad. Bawat larawan, caption, at video na ibinabahagi natin ay may bigat at responsibilidad. Siguraduhin natin na galing ito sa totoong mapagkakatiwalaang sources bago ipamahagi.
Sa susunod na bagyo, panahon na para kalmahin din ang online na bagyo. Bago pindutin ang share button, mag-pause sandali at isipin kung paano maaapektuhan ng post mo ang ibang tao. Mas mahalaga ang katotohanan kaysa clicks o viral na views. ‘Pag nawala na ang hangin at ulan, ang dapat na nakatindig ay ang ating malasakit, katapatan, at sentido komun na hindi nasisira kahit sa gitna ng sakuna.
4
