ONLINE RENEWAL NG DRIVER’S LICENSE, DAMING REKLAMO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

WALA pang isang buwan matapos na ilunsad ang Online Driver’s License Renewal System (ODLRS) na pinangunahan pa ni Department of Transportation Sec. Vince Dizon, kabi-kabila na ang mga reklamo ukol dito.

Ilan sa mga reklamo laban dito ay galing sa ibayong dagat mula sa overseas Filipino workers (OFWs) at expats (expatriates) na Filipino na gusto sanang gamitin ang naturang sistema.

Ayon sa reklamo, humihinto ang ODLRS sa punto ng medical exam at minsan naman daw ay sa final stage ng pagbabayad.

Samantala, ‘yun namang nandito sa Pinas na gumamit nito ay nag-report na wala silang natanggap na kumpirmasyon kung kailan sila pwedeng magbayad para makumpleto ang proseso.

Ang tanong, namo-monitor kaya ni Land Transportation Office (LTO) Asec. Vigor Mendoza ang mga kapalpakang ito? Ang kawawa kasi rito ay si DOTr Sec. Vince Dizon na buong pagmamalaki pa namang inilunsad ang Online Driver’s License Renewal nito lang July 10.

Ang Online Driver’s Licensing Renewal System (ODLRS) ay isa sa mga serbisyong makukuha sa EGOV portal app na ipinagmamalaki pa man din ng administrasyong ito, na ang layunin ay mapabilis ang transaksyon sa gobyerno.

Ang mga insidente ng palpak na Online Driver’s License Renewal ay naitala sa Toledo, Cebu; Davao, Rizal, Metro Manila at maging sa Hong Kong at Singapore.

Kapag dumami pa ang reklamo ukol dito at umabot na sa Malacañang ay siguradong ipatatawag ni PBBM si Sec. Dizon upang magpaliwanag. At siyempre si Asec. Vigor Mendoza naman ng LTO ang pagpapaliwanagin ni Dizon, kaya dapat ngayon pa lang ay kumilos na ang LTO upang masolusyonan ang problemang ito.

91

Related posts

Leave a Comment