ONLINE-VOTING SA MGA OVERSEAS PINOY SAMANTALAHIN – SOLON

UMAPELA ang dalawang mambabatas sa Mababang Kapulungan sa mga overseas Filipino na huwag palagpasin ang pagkakataon na makaboto ngayong midterm elections lalo na’t idadaan na lamang ito sa online.

Sinabi nina representative Ron Salo at Marissa Magsino na hindi na mahihirapan ang mga botanteng Pinoy na nasa ibang bansa kasama na ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa pagboto dahil sa ipapatupad na ng Commission on Election (Comelec) ang Online Voting and Counting System (OVCS).

Ayon kay Salo, kung noon ay kailangang personal na pumunta sa embahada ng Pilipinas ang mga Pinoy nasa overseas, ngayon ay maaari na silang bumoto kahit nasa loob lamang sila ng kanilang bahay o pinagtatrabahuhan.

Maging ang mga seafarers ay hindi na kailangang bumaba ng barko para makaboto dahil maaari na silang bumoto kahit nasa gitna sila ng dagat.

“Ang paggamit ng OVCS para sa ating overseas voters ay isang makasaysayang hakbang patungo sa mas mabilis at mas maginhawang paraan ng pagboto para sa ating mga OFW at mga seafarer. Mahalaga ito upang mahikayat silang aktibong gamitin ang kanilang karapatang bumoto bilang mga mamamayang Pilipino,” ayon naman kay Magsino.

Gayunpaman, kailangang magpa-enroll muna ang mga Pilipino na nakatira at nagtatrabaho sa ibang bansa para magamit ang bagong sistemang ito at makasali sa pagpili ng mga susunod na mga senador at party-list representative.

Mayroon aniyang hanggang Mayo 7, 2025 ang mga Pinoy overseas para magparehistro sa isasagawang pre-enrollment registration period sa Marso 20, na inurong mula sa dating petsang Marso 10, 2025.

“Dahil mas maikli na ang pre-enrollment period, kailangang kumilos tayo agad upang masigurong walang OFW ang maiiwan sa online voting. Huwag nating sayangin ang pagkakataong makibahagi sa kauna-unahan at makasaysayang internet voting sa bansa,” panawagan ng dalawang mambabatas. (PRIMITIVO MAKILING)

2

Related posts

Leave a Comment