CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NAGDADABOG ang mga Marikenyo. Wala raw silang kaalam-alam na inaprubahan na pala ng mga konsehal na kaalyado ng kanilang Mayor Marcy Teodoro sa committee level, ang pondo ng lungsod para sa susunod na taon. Nangyari ito noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 7.
Reklamo nila, paspasan na ay pasikreto pa ang ginawang deliberasyon ukol sa city budget. Ganun?
Kung totoo. Bakit kailangan itago sa mga Marikenyo at minadali pa? Ang pakiramdam tuloy ngayon ng mga residente ng Marikina ay parang nalansi sila.
Sa Pasig, walong araw ang budget hearing sa city council. Sa Quezon City, apat na araw naman ang ginugugol.
Isipin n’yo, ha, sa deliberasyon ay 30 departments ang kailangang magpresenta ng kanilang isang taong plano sa loob lang ng isang araw. Ang bawat unit ay binigyan lang ng tig-20 minutes para sa presentasyon ng plano at para sa question and answer. Ni wala rin anilang announcement sa official Facebook page ng Marikina City Public Information Office at hindi rin FinaceBook Live ang committee hearing, hindi gaya sa ibang lungsod kapag may mga sesyon ang konseho.
Sa City of Manila nga, kahit mainit ang debate ng mga konsehal ay naka-FB Live pa rin. At naka-livestream ang budget session sa QC at Pasig. Paano mabubusisi ang buong budget, ang bawat sentimo na gagamitin kung napakalimitado ng oras? Paano malalaman at makikilahok ang mga Marikenyo kung wala silang access sa impormasyon at datos o numero?
Maski raw si Councilor Rene Magtubo, na oposisyon, ay hindi nahawakan ang buong kopya ng 2025 city budget.
Ayon kay Magtubo, P595 milyon ang ilalaan para lang bayaran ang utang para sa 2025 budget.
Sabi niya, halos 20% ng budget ay mapupunta lang sa debt service o pambayad-utang. Pera ng lungsod ang usapin dito, salapi ito ng mamamayan kumbaga at hindi naman ito simpleng pagba-budget lang ng pamilya. Kahit nga ang isang mag-anak, nag-uusap nang masinsinan para mapag-ingatan nila ang kanilang kinikita.
Ang budget ay isang importanteng aspeto sa isang lokal na pamahalaan tulad ng Marikina dahil dito nakasaad ang mga programa, proyekto, at serbisyo para sa nasasakupan nito. Dito rin makikita kung saan ba talaga dinadala ng pamahalaan ang ibinabayad na buwis ng mga tao.
Kaya naman, karapatan ng mamamayan na makitang binubusisi iyan at bukas sa kanilang pagkilatis.
64