Nakatanggap ako ng video at sulat mula sa halos 25 mga Pinay na kasalukuyang nasa Riyadh, Saudi Arabia na nakikiusap na agad silang mapauwi dahil sila ay kinulong at halos hindi pinapakain ng kanilang employer.
Ayon sa kanilang liham, sila ay nag-apply bilang mga visual merchandizer sa International resource Development Corporation na may tanggapan sa Padre Faura, Manila. Ngunit imbes na visa para sa Visual Merchandizer, ay ang ibinigay sa kanilang work visa ay para sa cleaner upang diumano ay mabilis silang makaalis ng bansa.
Ayon sa kanilang sumbong, ilan sa kanilang kasamahan ay malimit na mahuli ng pulis dahil hindi tugma sa kanilang visa ang kanilang trabaho. Nitong nakaraang Hulyo ay isa-isa na silang tine-terminate diumano dahil sa “Low Performance” at sa kasalukuyang ikinulong sa kanilang accommodation at hindi pinapayagan na lumabas kahit para man lang bumili ng pagkain.
Kahapon, Agosto 17, ay muli na naman nag-terminate o nagtanggal ng mga trabahante ang kanilang ahensya na walang kadahilanan. At ang higit na kanilang ikinabahala ay sila ngayon ay pinipilit na pumirma ng isang dokumento na nagsasabi na sila ay sang-ayon o kusang loob na lamang na lumipat sa ibang employer o pumirma ng resignation letter na upang walang maging pananagutan ang kanilang ahensya.
Agad kong ipinarating ang sumbong na ito sa opisina ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello at akin ding hiniling na kung maaari ay maisama sa “itinerary” niya sa kanyang pagbisita sa Saudi Arabia ang makausap at kumustahin ang ating mga kabayani na nagnanais na makauwi sa Pilipinas upang magsampa ng reklamo laban sa kanilang ahensya na International Resource Development Corporation (IRDC). Ang ginawa ng IRDC na pagpapagamit ng visa na hindi tugma sa kanilang tunay na trabaho ay isang malaking kaso na maaaring maging dahilan ng pagkansela ng kanilang lisensya.
Ang ating mga magigiting na tauhan ng OWWA sa Riyadh ay atin ding pinakiusapan na sila ay kumustahin at masiguro ang kanilang kaligtasan at masiguro na sila ay makakauwi sa lalong madaling panahon. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
176