3 POULTRY FARMS ‘WAG TANTANAN

PUNA

Hindi dapat tumigil ang Sanitation Health Department ng San Miguel, Bulacan laban sa inirereklamong tatlong poultry farms na malangaw sa Brgy. Calumpang sa nasabing bayan.

Hindi na mawala-wala ang dami ng langaw na nagmumula sa RTV-VTV 28 farm, J2 Plus farm at BIGA farm.

Tuwing makalipas ang 28-araw ay nagha-harvest ang mga poultry farm na ito.

Kaya naman sobrang daming langaw na napupunta sa mga kabahayan na mga katabi nito.

Hindi po sabay-sabay nagha-harvest ang mga farm na ito kaya hindi na nawawalan ng langaw sa mga kabahayan.

Matatagpuan po ang tatlong farms sa Brgy. Calumpang na nasa boundary lang ng bayan ng San Miguel at Doña Remedios Trinidad, pawang mga bayan ng Bulacan.

Kaya naman ang mga residente ng Brgy. Kala-yakan ng Doña Remedios Trinidad ay nagrereklamo rin sa dami ng langaw sa kanilang kabahayan.

Gumawa na sila ng mga petisyon laban sa tatlong farms pero hindi pa rin natitinag ang mga ito.

Balewala pa rin sa kanila at patuloy pa rin ang pamemerwisyo ng mga langaw!

Nitong nakaraang araw ay pinagharap-harap ni Chairman Eduardo Yuson ng Brgy. Calumpang ang mga nagrereklamo at mga kinatawan mula sa nasabing farms.

Kabilang sa mga dumating ay ang mga kinatawan mula sa tatlong farms na sina Devin Fancuvilla at Neil Vicencio, pawang ng RDV-VTV 28 farm, Arlan Murillo ng J2 plus farm at Aron Ramonez ng BIGA farm at mga residenteng nagrereklamo na sina Arlon Eduarte, Feliciano Hipolito, Elueterio Trijo at Bernardo Vargaz pawang residente ng Brgy. Kalayakan, Doña Remedios Trinidad.

Dumating din sa miting ang mga kinatawan mula sa Sanitation Health Department na si Sanitary Inspector Dennis San Roque at Business Permit and Licensing Office (BPLO) na sina Adrian Zabat, Edmond Lising, Michael Baltao, pawang mula sa lokal na pamahalaan ng San Miguel.

Ayon kay Mr. San Roque nagkasundo sila na aayusin ang inirereklamong mga langaw.

‘Pag hindi naayos ang reklamo laban sa kanila hanggang Enero 2020 na lang sila mag-o-operate at hindi na ire-renew ang kanilang business permits ng munisipyo ng San Miguel.

Ganito rin ang sinabi ni Chairman Yuson, hindi na sila magbibigay ng barangay clearance sa tatlong farms.

Malinaw na may kapabayaan sa panig ng business owners.

Bakit ang Robina farm na nasa Brgy. Calumpang din at napalaki nito ngunit hindi nilalangaw?

Baka gusto ng tatlong farms na ito ang matira sa kanila ay langaw at gusali na lamang at tuluyan na silang ipasara?

‘Wag n’yong tipirin ang chemical na ginagamit n’yo para mawala ang langaw.

Hanggat hindi n’yo po naayos ‘yan ‘di kami titigil sa pagpapaalala sa inyo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa  joel2amongo@yahoo.com / operarioj45@gmail.com (Puna / JOEL O. AMONGO)

136

Related posts

Leave a Comment