AGRESIBONG PAGLABAN NG PAMAHALAAN SA PANDEMYANG COVID-19

ILANG linggo na lamang at matatapos na ang 2020. Hindi natin alam ang mga dalang pagsubok ng taong 2021 ngunit tiyak na kasama pa rin ang pandemyang COVID-19 sa mga ito.

Nananatiling higit sa isang libo ang dumadagdag sa bilang ng mga nag-positibo sa coronavirus kada araw.

Sa kasalukuyan, nasa halos 450,000 na ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Isang positibong balita naman ang hatid ng pamahalaan. Bago mag-Abril ay maaari nang magsimulang dumating ang ating pinakahihintay na bakuna.

Sadyang nagiging agresibo ang pamahalaan sa mga hakbang na ginagawa nito upang ­masiguro na makakakuha tayo ng sapat na bilang ng bakuna.

Kaugnay ng nalalapit na pagpasok ng bakuna sa bansa, naglabas ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng kapangyarihan kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na mag-isyu ng Emergency Use Authorization (EUA) sa mga parmasyutikang gumawa ng bakuna.

Ang nasabing kautusan ay magiging daan upang ma-aprubahan ang paggamit ng mga bakuna sa loob lamang ng isang buwan sa halip na magdaan pa ito sa anim na buwang pagsusuri.

Nilinaw naman ng Department of Health (DOH) na ang pagpapabilis ng proseso na ito ay hindi makakaapekto sa kalidad ng pag-aaral sa bisa o epekto ng naturang bakuna laban sa COVID-19.

Siniguro rin ni Domingo sa publiko na hindi malalagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga ito dahil sa mas pinabilis na proseso.

Patuloy ang pagtutulungan ng FDA at DOH sa pagpapaigting ng pagbabantay sa nasabing proseso upang madaling matukoy ang mga posibleng panganib na maaaring maging epekto nito.

Sa ilalim ng programa ukol sa bakuna ng pamahalaan, nilalayon nitong mabigyan ng bakuna ang hindi bababa sa 70 milyong Pilipino.

Sisikapin ng nasabing programa na makapagbigay ng bakuna kada taon sa 25 hanggang 30 milyong Pilipino sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Ayon sa Department of Science & Technology (DOST), naisumite na sa FDA ng Pilipinas ang aplikasyon ng AztraZeneca para sa pagsasagawa ng clinical trial ng bakuna para sa COVID-19 sa bansa.

Ang balitang ito ay nagmula mismo kay DOST-Philippine Council for Health Research and Development Executive Director, Dr. Jaime Montoya sa isang panayam nya sa CNN Philippines News Night.

Nagpirmahan ng kontrata noong ika-27 ng Nobyembre ang pamahalaan, pribadong sektor, at ang AztraZeneca para sa 2.6 milyong dosis ng bakuna.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ang presyo ng bakuna na mula sa nasabing kompanya ay nagkakahalaga ng Php500 kada dosis. Ito raw ang pinakamurang bakuna na nabili ng Pilipinas, sa kasalukuyan.

Maging ang bakuna ­galing sa kumpanya mula sa China na Sinovac ay kausap na rin ng pamahalaan.

Sa kabila ng kontrobersiyang kinasangkutan ng nasabing kumpanya ay hindi nagdalawang isip ang Pilipinas na tanggapin ang alok nitong makapagdala ng bakuna sa bansa.

Hindi ito ang panahon upang magpaapekto sa mga kontrobersiyang ibinabato ng mga paramsyutikang ­kumpanya sa isa’t isa.

Basta’t dumaan sa tamang proseso at naaprubahan ng screening panel ng ating bansa, ang bakuna, saan man ito nagmula, ay mapapahintulutang gamitin dito sa Pilipinas.

Bakuna ang prayoridad ng pamahalaan sa ngayon. Habang hinihintay natin ang pagpasok ng mga ito sa susunod na taon, ipagpatuloy natin ang pag-iingat sa ­ating sarili. Ang pagsiguro na makakakuha ng sapat na bilang ng bakuna para sa mga Pilipino ay responsibilidad ng pamahalaan.

Ang pag-iingat mula sa virus ay ating responsibilidad hindi lamang sa ating sarili at ating kapwa kundi pati na rin sa ating bayan. Tayo ay patuloy na magtulungan hanggang sa tuluyan nating mapagtagumpayan ang pandemyang COVID-19.

129

Related posts

Leave a Comment