MARAMING gas station lalo na sa mga probinsya, ang magugulang kaya dapat bantayan ng Department of Trade and Industry (DTI), kaso mukhang ‘di ginagawa ng ahensyang ito ang kanilang tungkulin na proteksyunan ang mga tao.
Ayon sa mga report na nakarating sa atin mula sa mga probinsya, noong unang magtaas ng higit 5 piso ang diesel dahil sa epekto raw ng pag-atake ng Russia sa Ukraine na naging dahilan kaya tumaas ang presyo ng krudo sa world market, agad nagtaas daw ng presyo ang mga gas station sa mga probinsya.
Dapat Martes pa magtataas pero Linggo pa lamang ay may mga gas station na raw ang nagtaas ng presyo dahil mahal na ang bili ng kanilang supply kaya napapakamot na lamang ng ulo ang mga motorista.
Natuwa ang mga tao nang mapabalita noong nakaraang linggo na may rollback pagkatapos magpatupad ng 12 piso pagtaas pero nagtataka sila kung bakit hindi nagbababa ng presyo ang ilang gas station.
May katuwiran pa rin sila… nabili nila sa mas mahal na presyo ang kanilang supply at hindi pa dumarating ang binili nila sa mas mababang presyo para ibaba ng 5 piso ang kanilang produkto.
Ang gulang hindi ba? Kung magtaas ay kasing bilis sila ng kidlat pero kapag ang usapan ay pagbabawas ng presyo, para silang pagong at hindi sila maubusan ng katuwiran.
Ngayon araw, inaasahan na magbababa naman ng higit 11 piso dahil bumaba na ang presyo ng krudo sa world market, dapat bantayan ng DTI ang lahat ng mga gas station sa mga probinsya lalo na ‘yung mga malalayo at tiyaking ipatupad ang rollback agad-agad.
Wala sa lugar ang katuwiran ng ilang magugulang na gas station na nabili nila sa mahal na presyo ang kanilang ibinebentang supply kaya hindi pa sila dapat sumunod agad sa rollback.
Mula nang magkaroon ng oil deregulation law noong 1998, ang oil companies na ang kumontrol sa industriya at parang observer na lang ang naging papel ng Department of Energy (DOE).
Nakalagay sa batas na kailangang bumili ng supply na magtatagal ng 90 days ang oil companies pero kapag may paggalaw sa presyo ng langis sa world market, kinabukasan magpapatupad sila ng oil price hike.
Kahit murang nabili ang kanilang supply ay ibinabase pa rin nila ang presyo nila sa world market. Super gulang pero ang DOE, nag-oobserba lang dahil ‘yun daw ang batas.
Madalas nga ang DOE pa ang unang nag-aanunsyo na magkakaroon ng oil price hike habang ang DTI ay saka lang yata kumikilos kapag may nagrereklamo na may mga gas station ang hindi sumusunod sa batas.
Kailan kaya kikilos ang DTI na kahit walang magreklamo ay bantayan ang mga gas station lalo na sa mga probinsya dahil meron naman silang intelligence fund para magpakalat ng espiya?
74