ANG HAMON NG PAGIGING FILIPINONG INA

Psychtalk

Masarap maging ina, karaniwang sasabihin ‘yan ng mga nanay. Pero sa katotohanan, hindi lahat ay magsasabi niyan. Depende sa konteksto o kadalasan, sa estado ng buhay.

Maraming salik ang nagbabanggaan na siyang magtatakda kung magiging madali o mapanghamon ang pagiging ina lalo na sa bansang Pilipinas.

Sa kultural na antas, mabigat ang iniatang sa balikat ng mga ina ng mga tradisyonal na pamantayan. Bilang tinaguriang “ilaw ng tahanan” pinapalagay na ang katatagan ng pamilya ay nasa kakayahan ng mga inang balansehin o kaya’y pagtiisan ang minsan ay nagbabanggaang pwersang humahamon sa pamilya.

Ang pagbagsak ng pamilya ay kadalasan isinisisi sa mga ina. Baka naging pabaya, pariwara, bungange­ra, o naging makasariling ina o babae ka. ‘Yan ang ihuhusga. Kaya kung may mga krisis sa pamilya lalo na sa relasyong mag-asawa, pinapalagay na handa dapat magparaya o magsakripisyo ang mga ina para mapanatili ang katahimikan o istabilidad ng mag-anak.

Kung ordinaryo kang ina na ang buhay ay naitalaga na sa loob na tahanan, at ibig sabihin, walang gaanong economic power, ito ay nangangahulugan ng kahandaang tumalima sa sinumang may kapangyarihang produktibo o kakayahang mag-akyat ng kita sa tahanan. Ito ang madalas na dahilan bakit may mga babaeng nababaon sa u­sapin ng family o domestic violence.

Sa isang bansang nakasadlak pa rin sa kahirapan ang karamihan, kadalasang idinadaing din ng mga ina ng tahanan ang paano tugunan ang mga usapin o pangangailangang pangsikmura ng mga anak o iba pang miyembro ng pamilya.

Natural na sa isang mapagkalingang ina ang naising ibigay ang lahat na sana ng pinaka  sa mga anak: pinakamasarap at pinakamasusustansiyang pagkain, pinakamaayos na mga kasuutan o kagamitan, o pinakamagandang paaralan, o pinakamagagandang oportunidad para umunlad ang pagkatao ng mga anak.

Ang tanong, paano ka tutugunan  ang mga ito kung kasama ka sa maraming bahagdan na nabubuhay sa tinatawag na below poverty line?

Madalas, ang unang hamon ay paano pagkakasyahin ang sahod na nasa minimum lamang. Dito lumalabas ang dagdag na hamon. Paano mo gagamitin ang creativity  o abilidad  para ibigay ang pinakamahusay na resulta bilang tagapamahala sa tahanan na gamit  lamang ang limitadong resources o kakarampot na yaman.

Upang makatugon ang mga Filipinong ina sa mga inaasahan  sa kanila, dito inaasahang papasok ang mga batayang ahensiya o organisasyon (DSWD, DepEd, DOH, etc.) na maaaring umayuda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga batayang serbisyo at edukasyon para mas mapalakas ang mga Filipinong ina na nasa laylayan ng lipunan. Ito ang ideyal na sitwasyon dahil sa aktuwal na pangyayari, maraming maaaring mapagtalunan diyan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

153

Related posts

Leave a Comment