Galing sa out of town para magpakalma ng kaunti mula sa pressures ng trabaho, nagulat ako na nagdeklara kamakailan na walang pasok dahil sa napabalitang nationwide jeepney strike.
Nanghinayang ako sa isang araw na bawas, pagtatapos sana ng ilang trabaho sa office, pero natuwa ang medyo pagod ko pang katawan.
Matagal-tagal na rin na hindi ko naririnig ang usapin ng mga tigil-pasada mula nang nagdesisyong tumira sa labas ng Kamaynilaan.
Noong ako’y nasa kolehiyo noong late 80s, ilang beses kong nasaksihan ang mga matatagumpay na tigil-pasada dahil sa madalas na isyu ng mabigat na presyo ng gasoline. At ‘yon ang naiwan sa aking kamalayan na dahilan bakit nagsasakripisyo ang mga jeepney driver na walang kita ng isang araw – dahil mayroong mas mabigat na dahilan, ang pagkakamit ng mas makatarungang pagpipresyo sana ng mga langis.
Sa ngayon, iba ang dahilan. Ang laban ay hindi na lang pala para makadagdag sana ng kita sa pamamagitan ng mas mababang presyo ng langis. Ang usapin na pala ay self-preservation.
Nais ng mga driver na magprotesta laban sa pinaplanong pag-aalis sa mga jeepney sa mga lansangan dahil sa kalumaan.
Naalala ko tuloy minsan ang isang narinig ko sa isang workshop na karamihan ng kalahok ay galing sa isang mamahaling unibersidad sa bansa. Nang tinanong ano ang madalas nilang source ng stress, itinuro nila ang papalalang traffic sa bansa dahil daw sa walang disiplinang jeepney at bus drivers. Sana nga raw ay wala na lang ang mga sasakyan na ito sa lansangan.
Hangggang sa kalaunan napaisip ako. Pagkatapos kong makita ang madalas na eksena sa mga lansangan, napagtanto ko na hindi naman talaga ang mga jeep ang pinakamarami sa mga lansangan kundi mga pribadong sasakyan.
Kaya paanong sila ang nakakasikip ng mga lansangan? Sa EDSA man o sa iba pang major roads, hindi ang mga jeep ang marami, hindi pala sila ang totoong nagpapasikip.
Tila parang mga Pinoy na nasa laylayan lang din naman ang mga jeep driver. Hindi alam kung ano talaga ang gagawin sa mga ito. Pagbibihisin ng anyo para hindi gaanong eye sore? Itataboy ba sila sa kung saang hindi sila tatambad sa mga mata ng mga turista at dayuhan? Sisisihin ba sila sa patuloy na pagsikip ng urban centers? Sila nga ba talaga ang ugat ng problema sa masikip na trapiko? At marami pang mga tanong.
Ang sagot ay depende kung saan nakakiling ang tumitingin. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
156