ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(Ikatlong bahagi)

Ang pinakamatingkad na nagpapakita ng ‘di pagkakapantay-pantay sa lipunang Filipino ay ang bigas at pagtatanim ng palay mismo.

Kung may sarili kang taniman ng bigas, mapalad ka kahit ‘di man ito gaano kalaki. Kahit paano, mayroon kang sariling pagkukunan ng supply ng pamilya sa buong taon. Bongga siyempre kung mas malawak ang taniman dahil bukod sa may pantugon na sa sariling konsumo, mayroon pang matitirang pambenta para sa ibang pangagailangan.

Ang kawawa ay yaong walang sariling mga taniman at nakikisaka lamang sa mga mayroon na ayaw nang mag-abala sa pagtatanim—makikiparte na lang sa ani. O kaya ay sila ang mga magtatanim na ‘di muna babayaran ng pera bagkus ay bibigyan na lamang ng ilang bahagi pagkatapos din nilang anihin ang mga palay.

Ganyan lang naman kasimple ang mga usapan noon.

Ngunit unti-unti, may mga pumasok sa eksena. Ang mga negosyante na nagsisilbing middle man ng mga tao sa sakahan (kasama na ang may-ari ng lupa) at ang mga mamimili. Sila ‘yung mga pwedeng magpaikot o may kontrol sa presyo ng bilihan. Ayon sa mga balita ng mga naunang panahon, sila ‘yung mga pwedeng magkutsabahan, o bumuo ng kartel para tuluyan nang makontrol ang supply at presyo ng bigas.

At mula noon, nagkaroon na ng matingkad na layering o segregasyon sa uri o klase ng mga tao batay sa anong posisyon nila sa buong hierarchy ng produksiyon ng bigas. Luminaw na ang pinakamababa at pinakakawawa ang katayuan ay yaong mga ang pag-aari lamang ay ang kanilang lakas-paggawa. Madalas, sila ‘yung mga nabababad sa araw at ulan para maitanim ang mga binhi pero pagdating sa dulo, sila ang halos walang susukatin para isaing.

Minsan, kawawa rin ‘yung mga magsasakang may sariling lupa lalo na kung ‘di naman kalakihan ang sakahan. Lalo na kung mahal ang mga ginamit na mga gamot at pestisidyo, o kaya ay inabot ng malas ng bagyo o peste.

Kaya nga ayon sa madalas natin sigurong marinig na kasabihan, “iba ang nagsaing, iba ang kumain.” At kung sino ang magsasaka, siya ang madalas walang laman ang hapag. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

102

Related posts

Leave a Comment