ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(Ikaanim na bahagi)

Hindi matapus-tapos ang usapin natin sa kontrobersiya na puting butil sa bigas.

Sa iba, ito’y kaibigan. Sa iba, ito nama’y parang kaaway.

Para sa mga naghihikahos, ito ang laging sentro ng hain sa hapag. Mawala na ang iba, huwag lang ito. Masarap ang ulam ng Filipino, mula sa pinakapayak hanggang sa mga pinakamagarbo basta may kanin.

Oo, sa maraming Filipino, walang saysay at hindi maaaprubahan ang lasa o sarap ng isang putahe hanggang hindi ito naisasama sa mainit at magandang pagkakaluto na sinaing.

Ngunit para sa ilang grupo ng tao, isang kaiwas-iwas na pagkain minsan ang bigas. Ito ay ‘yung may ilang mga partikular na kondisyong pangkalusugan, o kaya ‘yung mga conscious sa kanilang mga diet at timbang o hubog ng katawan.

Sa pangkalahatan, sinasabi na ang mga taong may problema sa sugar level ay kailangang maging maingat sa pagkain ng kanin. Kung maiiwasan ay mas mainam. Pero kung hindi naman ay kinakailangang may kontrol.

Kung mas may choice pa dahil kaya ng budget ay mas maganda kung ‘yung organic, o brown rice, o red rice ang ikokonsumo.

Sinasabing may kaugnayan ang sobrang konsumo ng kanin sa pagkakaroon ng Type 2 Diabetes ng ilang mayroon nito. Pinapalagay na ang paglagpas sa pinapayagang konsumo ng kanin ay nangangahulugan ng dagdag na 10% pagtaas sa peligro nito sa kada isang sobrang serving ng kanin.

Sabi naman ng isang kaibigan ko na fitness instructor na nasa ibang bansa na, kaya raw mabilbil o malaki ang puson ang karamihan ng mga Filipino o Filipina ay dahil sa konsumo ng kanin.

Kasi nga naman, ayon sa mga datos, sa araw-araw ang average na konsumo ng mga taga-Asya gaya ng mga Filipino ay 4-5 servings samantalang pang-isang linggo nang konsumo ito ng mga taga-kanluran. Kaya’t kahit anong sakripisyo sa gym, napakahirap abutin ang tinatawag na “lean body” para sa mga taong medyo conscious sa kanilang porma ng katawan.

Bagamat sabi naman ng isang doktor, kung tutuusin, wala sa kinakaing bigas o kanin naman talaga ang usapin. Kundi nasa dami ng konsumo. Kahit puting kanin kung kalahating cup lang, wala namang masamang epekto. Kahit organic at brown rice ‘yan kung sobra-sobra naman ang pagkain ay magkakaproblema pa rin.

Sa huli, hindi mismong ang bigas o kanin ang problema. Nasa kung paano natin hinaharap, ginagamit, o kinokonsumo ito, o minamanipula ang usapin nito para sa kung kani-kaninong kapakanan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

127

Related posts

Leave a Comment