ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(HULING BAHAGI)

Masalimuot nga marahil pero baka naman pwedeng pasimplehin ang pananaw sa walang kamatayang usapin sa bigas.

Una, alam natin na ito ang staple food ng karamihang Filipino. Hindi man gaanong mahalaga ito para sa ilang sector na may kakayahang pumili kung ano ang mas karapat-dapat na ilaman sa sikmura nilang ‘di naman kumakalam, para sa walang gaanong karapatang pumili, ang bigas ay buhay na nila.

At alam natin na ang mas nakararami na ito na kadalasan ay nasa laylayan ng lipunan ay sila rin ang mas nangangailangan ng ayuda at proteksiyon ng pamahalaan. Kaya’t mainam sana na ang mga inisyatiba at mga polisiya ng mga nasa kapangyarihan ay nakakiling sa interes nila.

Pero lumalabas na pagdating sa usapin ng bigas, ang mga huling pangyayari ay nagpapatingkad lamang sa kakulangan ng tunay na pagmamalasakit sa kapakanan ng mga maliliit. Bagkus ay tila napapaboran ang kapakanan ng mga mayroon na. Gaano man gustong ipakita ng mga diskurso sa Rice Tariffication Law, kung lilimiin at susuriing mabuti, tila talo sa huli ang mga maliliit na maapektuhan ng mga impact ng nasabing batas.

Dati nang umaaray ang mga ordinaryong magsasaka sa madalas na pagkalugi sa pagtatanim ng palay. Sa ngayon ay nasa ilalim sila ng mas malalim na pangamba sa maaari pang idulot na hindi maganda sa kanilang kalagayan sa ganap na liberalisasyon sa importasyon ng bigas.

Wala pa rin namang katiyakan na sa pagdami ng importasyon ng bigas ay sadyang bababa ang presyo ng bigas sa merkado. Dahil ang tanong, sino ba ang magkakaroon ng kontrol sa pagpasok ng bigas sa bansa? Paano matitiyak na walang manipulasyon sa kantidad at pati sa halaga nito pag nasa merkado na? O baka ito naman ay magpapalakas at magpapalawak lang sa pwersa ng mga rice cartel?

Sa huli, ang hindi maitatangging katotohanan ng hindi maampat na pagtaas ng kontrobersiyal na butil na ito ay ang madalas na kakulangan nito sa kabila nang kung anu-ano nang pormula na ginamit para solusyonan ito.

Baka panahon na para totoong pakinggan ang mga tunay na kasama sa sektor ng agrikultura at pagsasaka—’yung mga totoong nakakaunawa ng usaping ito. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

128

Related posts

Leave a Comment