ANG MGA BATANG INA

Psychtalk

Batay sa mga pinakahuling datos, 10% sa mga kabataang Filipina na nagkakaedad 15-19 ay nabubuntis o nagiging dalaga o batang ina.

Sabi nga ng UNFPA (United Nations Population Fund), kaisa-isang bansa ang Pilipinas sa Asia-Pacific na nagpakita ng mabilis na pagtaas sa bahagdan o bilang ng teenage pregnancy sa nakaraang huling dekada.

Maraming maaaring iturong salik sa likod ng usaping ito bagama’t madaling ituro ang hindi agad pagkapasa ng Reproductive Health Law o ang ‘di naman epektibong implementasyon nito dahil sa maraming humahadlang dito sa umpisa pa lang.

Madali ring sambitin na nakaugat ang pagdami ng batang ina sa kakulangan ng makabuluhang “sex education” sa bansa at kawalan o kakulangan ng mga komprehensi­bong serbisyo na tumutugon sa sexual o reproductive health.

Kaya lang pinipigil ng mga konserbatibo ang mga kon­kretong serbisyo gaya ng pagmumudmod ng mga contraceptives o pagtataguyod ng sex education sa mga paaralan dahil naniniwala sila na lalo lamang maghihikayat sa mga kabataan na maging sexually active sa maagang panahon.

Parang usapin ng itlog at manok ang isyu ng mga batang ina. Sa kabilang dako, sinasabing dahil kulang sa edukas­yon sa sekswalidad, nabubuntis ang mga kabataan. Sa ibang banda naman, natatakot ang ilan na ito mismo ang magpapalaganap ng teenage pregnancy.

Labanan ng mga kampo ito na nanggagaling sa magkaibang pananaw o perspektibo. Ganunpaman, pwedeng iresolba ang usapin sa pamamagitan ng mga datos galing sa mga pananaliksik. Kaya nga nakumbinsi ang lipunan na ipasa ang Reproductive Health Law. At alam na natin kung sino ang nanalo.

Lumalabas din sa ilang pag-aaral na dahil ‘di nabibigyan ng tamang impormasyon ng mga tamang tao (guro, magulang, sexual health professionals), tuloy sa mga ‘di-tamang source (internet, peers) kumukuha ng mga impormasyon ang mga kabataan tungkol sa usaping sekswal. At dahil kulang o mali ang kaalaman, natutuloy sa ‘di ina­asahang pagbubuntis o pagiging ina ang mga kabataang Fi­lipina.

Anupamang dahilan, may matingkad na ipinapakita ang mga datos na nabanggit. Isang seryosong bagay ang usapin ng mga batang ina. Masalimuot at malalim ang mga im­plikasyon at epekto nito na dapat sistematikong unawain o pag-aralan para matugunan ng tama at ganap. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

466

Related posts

Leave a Comment