Tama ang posisyon ng Malacañang at ni Senate President Vicente Sotto III na ang mas kailangang batas ay tungkol sa anti-discrimination na ‘di hamak na mas malawak ang saklaw kaysa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill na isinusulong ng ilang mambabatas.
Limitado lang kasi ang SOGIE Bill sa diskriminasyon laban sa mga LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender and queer community) at kadalasan pa ay nagiging sanhi ito ng ‘di pagkakaunawaan at debate gaya ng nangyari sa Farmers Plaza kung saan naging isyu ang paggamit ng CR (comfort room) ng isang sinasabing transgender woman.
Sobra rin ang gustong mangyari ng ilang mga LGBTQ na sumusuporta sa SOGIE Bill at kabilang dito ang pagkilala ng estado sa same sex marriage at pati ang kasarian ay hindi raw dapat malimita sa “male or female” kaya dapat blangko ito sa certificate of live birth.
Mabuti na lang at mayroon pa ring mga katulad ni Ricky Reyes na hindi deklaradong bakla o gay pero hindi pabor sa cross-dressing, sex change at same sex marriage. Kilala si Reyes na successful hair stylist at nagkaroon ng maraming branches ang kanyang beauty parlor na may branding na “Gandang Ricky Reyes”.
Paliwanag ni Reyes: “Tigilan na ‘yang kabaklaan… ‘wag na kayong magbestida sa kalye kasi lalo tayong pagtatawanan ng mga tao… dapat magtulong na lang tayo sa kapwa para mahalin tayo ng tao. Lagi kong sinasabi, ang bakla walang makakaintindi kundi kapwa bakla lang. Dapat ang affair ng mga bakla dapat sa atin lang ‘yan ‘wag na nating ipagpalandakan sa tao ‘yan. Lumugar tayo sa tamang lugar. Kung ikaw ay babaeng-babae at hindi ka mabubuking e ‘di lumusot ka (sa banyo ng pambabae) di ba? Kung hindi ka makakalusot anong problema mo?”
Sa ilalim ng Anti-Discrimination Bill, hindi lang mga LGBTQ community ang pinapaboran nito kundi maging ang mga indigenous people partikular sa kanilang ethnicity; race o lahi; relihiyon o paniniwalang espiritwal; civil status at maging HIV status na hindi dapat maging hadlang para matanggap sa trabaho.
Ayon kay Sotto, handang sertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Discrimination Bill bilang “urgent” na nangangahulugang magiging prayoridad ng Mababa at Mataas na Kapulungan ang pagsasabatas nito.
Sabi pa ni Sotto: “I am told the president is not certifying the SOGIE Bill. He is willing to certify an Anti-Discrimination Bill sans LGBT issues. A general Anti-Discrimination Bill like the Davao ordinance. Anti-Discrimination Bill ang sabi sa akin. Ask ES (Executive Secretary Salvador Medialdea) and (Senator) Bong Go.”
Walang duda na mas mabilis ang magiging approval ng mga mambabatas sa Anti-Discrimination Bill lalo pa’t unang nagpahayag ng pagtutol sa SOGIE Bill ang mga gaya ni CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva dahil labag sa kanyang paniniwala at relihiyon ang maraming probisyon ng SOGIE Bill gaya ng same sex marriage.
Ito ang sinabi sa privilege speech ni Villanueva na founder at pinuno ng “Jesus is Lord Movement”: “SOGIE Bill… will not promote equality but will instead unduly give ‘special’ rights to some members of our society at the expense of the rights of the other members and to the detriment of the social order in our community. What happens to a Christian like me, and to the majority of the people in this chamber, if we are to be threatened by punishment every time we share our Bible-based beliefs on matters of transgenders and homosexuals?”
Nauna lang kasing mag-ingay ang mga supporter ng SOGIE Bill ni Senador Risa Hontiveros pero sa bandang huli ay ang boses pa rin ng rason ang mamamayani lalo pa’t may mga gaya ni Ricky Reyes na lohikal at realistiko pa ring mag-isip bilang miyembro ng gay community. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
540