CLICKBAIT ni JO BARLIZO
GAANO katatag ang mga Pilipino sa mga pagsubok na pinagdaraanan at nararanasan bunsod ng sunod-sunod na mga bagyo?
Hindi pa man tuluyang nakababangon sa nagdaang mga bagyo ay may kabuntot agad na panibagong sama ng panahon na lalong nagpapaigting sa paniniwala at tiwalang kakayanin ng mga Pilipino ang mga hamong dala ng kalamidad. Ngunit, nariyan ang pangamba at takot sa matinding pinsalang dala ng bagyo.
Ang Pilipinas ay hantad sa mga bagyo dahil sa heograpikal na lokasyon nito na nagdudulot ng malakas na ulan at pagbaha ng malawak na lugar, gayundin ng malakas na hangin na sanhi ng epekto sa buhay at pagkasira ng mga ari-arian at pananim.
Ngunit, marami ang nagulat at nagtaka nang apat na sama ng panahon ang magkakasabay na nanalasa ngayong Nobyembre 2024, ang una sapul nang mag-umpisa ang talaan noong 1951, kung saan maraming bagyo ang sabay sa isang lugar, ayon sa Japan Meteorological Agency.
Ayon naman sa mga eksperto, ang pagsipot ng mga bagyo na maigsi ang pagitan ay hindi na bago at matagal nang sinubaybayan noong 1950s.
Paliwanag ni Ana Liza Solis, ang Chief of Climatology Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, ang bansa ay nasa kondisyong katulad ng La Niña, kung saan ang pang-ibabaw na temperatura sa Eastern Pacific Ocean ay mas malamig kaysa mas mainit na temperatura sa kanluran. Ang mainit na temperatura ng ibabaw ng dagat ay pabor para sumingaw ang tubig at mabuo ang ulap, na kalaunan ay nagiging sama ng panahon at bagyo.
Sa kaagahan nitong buwan, hinagupit nina Marce, Nika, at Ofel ang bansa, at si Pepito ang pinakahuli.
Nakararanas ang bansa ng 18 hanggang 20 bagyo kada taon ngunit 32 ang naitala noong 1993 at 11 lamang noong 2010 at 2023.
Ayon naman kay Joey Figuracion, isang PAGASA weather specialist, ang tiyempo ng El Niño Southern Oscillation (ENSO) events, gaya ng paglipat mula El Niño sa La Niña, ay may mahalagang papel sa aktibidad ng bagyo. Ang sunod-sunod na bagyo ay karaniwan sa panahon ng La Niña, kung saan lumalamig ang katubigan ng Pacific Ocean.
Mahalaga ang ginagampanan ng mga bagyo sa pag-ayos ng init ng planeta. Paliwanag ni Figuracion, sa panahon ng El Niño, kaunting bagyo ang nabubuo na nagdudulot ng pansamantalang hindi balanseng init. Babawiin at hahabulin ito ng La Niña kaya dumadalas ang bagyo. Aniya, may pagkukulang sa nakaraang buwan, at babalansehin ito ngayon.
Ang pagdagdag sa init ng mundo ay isa sa pinaka-epekto ng climate change dahil kung mas mainit ibig sabihin mas mainit yung dagat, ayon pa kay Figuracion.
Ang pag-init ng mundo ay nagdudulot ng maraming kidlat at kulog, at malakas na pag-ulan.
Ang apat na bagyo na magkakasunod na umikot sa Western Pacific Ocean ngayon buwan, at nanalasa sa maraming lugar sa Pilipinas, ay hindi pangkaraniwang pangyayari, ayon naman sa National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Lumabas din sa isang pag-aaral na ang mga bagyo sa Asia-Pacific region ay lalong lumalapit sa mga baybayin, mabilis na lumalakas at tumatagal sa kalupaan dahil sa climate change.
Kaya dapat nang bilisan ng mga bansa ang pagtugon sa malalang epekto ng climate change sa buhay at kalusugan ng mga tao at ibang nabubuhay sa mundo. Nasisira na ang kapaligiran dahil sa maling gawa ng tao, na hindi tinutupad ang tungkuling pangalagaan ang kalikasan.
Kung puro plano at pulong ngunit walang agarang aksyon tungkol sa climate change ang gagawin ng gobyerno ay tiyak na ang mahihirap ay lalong maghihirap.
Kapag may kalamidad, umiiyak ang karamihan, na sinasamantala naman ng mga may intensyong maluklok sa posisyon ng pamahalaang nasyonal at lokal.
Ang magkakasunod na bagyo ngayong Nobyembre ay pangmulat sana sa mga hindi batid o sadyang ayaw lang tingnan ang malalang epekto ng sama ng panahon sa buhay ng tao, ari-arian, at pinagkukunan ng ikabubuhay.
Sabagay, sabi nga nila bagyo lang ‘yan. Yakang-yaka, Pinoy pa.
10