BAKIT MATATAG ANG KAMPANYA NG KAMPO NI BBM?

DUMADAGUNDONG ang kabi-kabilaang balita ukol sa pulitika ngayo’t nalalapit na ang eleksyon ngunit isa sa mga kandidatong kapansin-pansin sa publiko na matatag sa surveys at name recall ang pangalan ni dating Congressman, Governor at Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o mas kilala bilang BBM.

Sa mga pahayagan ay maraming artikulo ang mababasa tungkol kay BBM. Ngunit mas mapapansin na, bagama’t may mga batikos, ay mas marami pa ring mga Pilipino ang naghahayag ng suporta para sa dating senador.

Sa panahon kasi ngayon sa social media, ang mas naririnig na pangalan ay ang mas tumatatak sa isip ng mga Pilipino.

Ito marahil ang estratehiya ng kampo ni BBM—ang mas maitatak ang pangalan ng dating senador at ihayag ang kanyang agenda at plataporma, ang pag-iwas sa pagpatol sa mga batikos bagkus ay patuloy lamang sa pangangampanya ng kanilang mga plano.

Dagdag pa, ang napakahusay at napakalumanay na tagapagsalita ni BBM na si Atty. Victor Rodriguez. Hindi lamang sa ­paglilinaw ng mga isyu tungkol sa dating senador, kundi ang kanyang pananalita at pananaw ay puno ng propesyunalismo kung kaya’t sa diskurso ay angat si Atty. Vic. Hindi mo siya mariringgan ng ma­anghang na pananalita bagkus ay paliwanag at paglilinaw lamang sa mga issue ukol sa kampanya at mga kaganapan.

Kung atin kasing titingnan, gasgas na ang toxic at negative campaigning dahil mas ipinapakita pa ng mga kandidato kung gaano sila kauhaw sa pwesto upang manghila pababa ng ibang kandidato.

Kumpara sa kampo ni BBM, kung saan ang kanilang mga ­binibitiwang salita ay walang bahid ng anghang, bagkus ay pawang mga plataporma at plano lamang.

Sa panahong naglipana ang mga negatibo at toxic na isyu ngayong panahon ng COVID-19 at puros masamang balita ang ating naririnig, isang welcome relief na wala munang batuhan ng putik, insulto, o ano mang negatibong mensahe, sapagkat kapansin-pansing pagod na ang mamamayan sa ganitong uri ng negative at toxic campaigning.

Bilang tagamasid sa mundo ng komunikasyon at pulitika, naniniwala akong ang nais malaman ng mga Pilipino ngayon ay ang mga plano para sa bansa, at kung ano ang kanilang mga gagawin upang makamit ito sa oras na sila na ang mailuklok sa pwesto.

Higit pa, mas dapat malaman ng Pilipino ang mga plano ukol sa post-pandemic recovery, at kung anu-ano ang kanilang mga hangarin para ibangon ang ekonomiya, at paunlarin ang kalakalan at mga negosyo, magbigay ng dagdag na trabaho at harapin ang hamon ng healthcare system na lubos na nangangailangan ng suporta sa pamahalaan.

Kung maipapaliwanag kung paano paghahandaan ng susunod na administrasyon at maagapan ang ganito kabigat na pandemya ay tiyak papatok sa taong bayan.

Sa aking pakiwari, higit na mahalaga na mayroong malinaw at matatag na mensahe ang mga lalahok sa halalan dahil dito makikita kung gaano ka-solido ang kanilang mga plataporma, at kung karapat-dapat ba silang umupo sa mga ninanais nilang posisyon.

“Developmental campaign” ang ating kailangan, at pagpapakita ng propesyunalismo sa pananalita at sa gawa.

Sa panahon na damang-dama ng mga Pilipino ang hagupit sa kanilang pamumuhay sa loob ng dalawang taon dahil sa COVID-19, mas magiging matalino na sila ngayon sa pagpili ng mga iluluklok nila sa pwesto na mas pinaniniwalaan nilang may higit na kakayahang mamuno ng bansa, at magpapabuti ng kanilang pamumuhay. Ito ang dapat ipakita ng mga nais mahalal sa Mayo 2022.

2

Related posts

Leave a Comment