PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA tinagal-tagal ng panahon nakapag-desisyon din sa wakas ang Commission on Elections (Comelec) para sa diskwalipikasyon ng Smartmatic mula sa procurement biddings.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang batayan para sa diskwalipikasyon ng Smartmaatic ay ang umano’y scheme ng panunuhol sa pagitan ng Smartmatic at ni dating Comelec Chairman Bautista na nakapaloob sa supplementing documents sa petisyon na tinugunan ng komisyon.
Sinabi ni Garcia, sa isang press conference, ang election body ay nanindigan sa kanilang desisyon na idiskwalipika ang Smartmatic.
“It was a very difficult decision, but nonetheless, it was the right decision, and we will stand firm on what the Comelec en banc has decided,” ani Garcia.
Ayon pa sa kanya, isinagawa ng Comelec ang desisyon sa pamamagitan ng quasi-judicial at administrative function nito.
“Ang ibig sabihin ‘pag administrative function, we can act based on something we are fully aware of, not necessarily because it is contained in any petition or whatever,” dagdag pa ni Garcia.
Nauna nang sinabi ng Smartmatic na hindi sila nabigyan ng pagkakataon na tumugon sa mga batayan na ginamit ng Comelec bilang tiyak na basehan para ma-disqualify sila.
Binanggit pa ni Garcia, sa administratibong kapangyarihan ng Comelec, maaari sana itong magpasya na i-disqualify ang Smartmatic nang walang kaso, ngunit sa halip, hinayaan nilang dumaan ang petisyon sa “malawak na talakayan at pagdinig”.
“Kayo na lang ang mag-conclude kung nagkaroon ng violation of equal protection laws or selective justice so to speak,” ayon pa sa hepe ng komisyon.
Sinagot din ni Garcia ang pahayag ng Smartmatic na hindi sila binigyan ng pagkakataon na idepensa ang kanilang sarili.
Iginiit ng poll chief na binigyan nila ng pagkakataon ang Smartmatic na tugunan ang nasabing mga alegasyon.
“The Rio (Eliseo Rio Jr.) petition and et al is not a single petition there are other documents doon so ibig sabihin kung pinasagot ka rito malamang pinasagot ka rin doon, kung hindi ka sumagot doon ay it’s your call bakit hindi ka sumagot doon. Ang importante you were notified,” pahayag pa ni Garcia.
Ito pa ang sinabi ni Garcia, “Lahat ng petisyoner at respondent ay binigyang pagkakataon na marinig.”
Nagtataka nga ang taumbayan kung bakit ngayon lang daw nagdesisyon ang Comelec laban sa Smartmatic sa dinami-dami ng mga reklamo laban dito.
Maging ang PUNA ay matagal nang nakatatanggap ng reklamo laban sa Smartmatic tuwing magsasagawa ng eleksyon subalit nagtataka rin tayo kung bakit walang aksyon ang Comelec laban dito.
Hindi rin dapat matapos ito sa diskwalipikasyon lang sa Smartmatic kundi kalkalin din ang posibleng dayaan sa eleksyon na kanilang pinangasiwaan at dapat managot ang nagkasala.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
