BAKIT PAPALITAN PA ANG PANGALAN NG PDEA NG PDEA RIN?

POINT OF VIEW

Naghain si Senate President Vicente Sotto III ng Senate Bill No. 3, isang panukalang batas na ang layunin ay bumuo ng panibagong ahensiyang tututok sa lahat ng aspeto ng paglaban sa ilegal na droga sa bansa.

Sakaling maaprubahan at maging batas, bubuwagin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Dangerous Drug Board (DDB) at papalitan ng ahensiyang tatawaging Presidential Drug Enforcement Authority (PDEA).

PDEA pa rin ang acronym. Sana kung magbabago, ibahin naman ang acronym upang maalis, makalimutan, at mabura na ang mga negatibong imahe ng una o kung baga sa usapang pag-ibig, para maka-move on na. Kaso ang PDEA ni Sotto ay parang may ‘something’.

Ang panukalang ito ni Sotto ay bunga ng ibinunyag ni PDEA Director General Aaron T. Aquino sa Senate hearing tungkol sa drug recycling na nagaganap na kinasasangkutan ng mga tiwaling aktibong tauhan at opisyal ng Philippine National Police, kung saan sinasabing ang mga nasasabat na illegal drugs ng drug enforcers sa lehitimong operasyon ay kanila ring ibinabalik sa market.

Baka sa halip na makatulong ang panukalang ito sa drug campaign ng gobyerno ay makakasira lamang sa mga nakalatag nang programa ng gobyerno dahil sa panibagong mga adjustment.

At baka habang abala sa pagtalakay sa nasabing panukala, nakatutok dito ang ating mga opisyal sa hearings, malilihis ang kanilang atensyon, tiyak magsasamantala ang drug lords sa kanilang ilegal na aktibidad kasama na ang mga tiwaling pulis.

Kung sakaling matuloy at maging batas ang panukalang ito, sana’y talagang may dalang bangis na tuluyang lulutas sa kinakaharap nating problema sa ilegal drugs at titigbak sa ilegal na gawain ng ating drug enforcers.

Kung wala namang kasiguraduhan, bakit pa natin papalitan? Kasi masasayang lang ang oras, effort at pondo ng gobyerno na gugugulin sa pagtalakay nito kung ang kalalabasan nito ay hindi pa rin matigil ang mga tinatawag na ‘Ninja cops” sa kanilang ilegal na gawain.

Noong 2002, pinagtibay ang RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at itinatag ang kasalukuyang PDEA para humawak sa kampanya kontra illegal drugs. Pinalitan nito ang Dangerous Drug Board, na itinatag naman sa ilalim ng Republic Act No. 6425 o Dangerous Drugs Act of 1972, dahil sa nakakaalarmang drug problem din noong mga panahon na ‘yon dahil inaakusahan din ang mga police officers na nangongolekta ng drug money. Hanggang ngayon, bahagi pa rin sila sa problemang ito. Walang nabago.

Kasi sa tingin ko, hindi naman nakasalalay sa pangalan ang epektibong proseso, stratehiya at pagpapatupad ng mga programa kontra droga kundi sa mga taong nagpapatupad nito. Kung papalitan mo ang pangalan, tapos ang magpapatupad nito ay sila pa rin, parang nagpalit ka lang ng bagong damit sa isang aso, na lalabas, aso pa rin. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

265

Related posts

Leave a Comment