BAKIT PINALULUSOT ANG NAGPAPALUSOT, BOC?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

BAKIT sa kabila ng napakarami nating batas kontra sa mga ilegalista/ismagler sa Bureau of Customs (BoC), hanggang ngayon may nangyayaring daan-daan, libong-libong mga ilegal na kargamento na nakalulusot?

May mga batas tayo sa Revised Penal Code na nagpaparusa sa mandaraya ng buwis, at special courts na nalikha para usigin, litisin at parusahan ang bigtime smugglers, bakit hanggang ngayon ay may nakalulusot pa rin na ilegal na mga kargamento?

Sobra-sobra nga, kung tutuusin at kung maipatutupad nang maayos ang mga batas, wala nang lugar pa para makapagpalusot kahit isang hibla ng sinulid o karayom ang isang ismagler.

Balitang-balita kasi na halos sa lahat ng mga pantalan umano ay may nangyayaring kababalaghan kaya patuloy ang pagpapalusot ng mga kontrabando/ilegal na mga kargamento.

Sadya bang pinalulusot ang mga nagpapalusot o inutil o kakutsaba ang mga tagapagpalusot ng batas at pamunuan ng BoC?

***

May makabayan pa bang tao sa gobyerno o may makabayan bang oligarko na nagsasabing sila ay Filipino at mapagmahal sa mamamayang Filipino?

Kung mayroon man, mabibilang sa daliri sa isang kamay ang mga multi-bilyonaryong Filipino na sa halip na magkawanggawa, sila pa ang nagpapahirap sa hirap na hirap nang mamamayan.

Sila ‘yung bundat na bundat na sa kamal-kamal na kayamanan, at ang konting mayroon ang mahihirap, ginigipit, inaapi, at pakiramdam, sila pa ang inaagawan!

Ang nakalulungkot, may mga taong gobyerno na sumumpa na ipagtatanggol, tutulungan ang publikong mamamayan, at kung magpakita man ng pagkamakabayan ay pakitang-tao, lalo na sa panahon ng halalan, at kung magbibigay ng tulong, mas ang atensiyon ay publisidad, at pagmamapuri sa sarili.

Sila na mas may kaya ang madalas na ginagamit ang mga butas este batas o sinadyang di-perpektong batas upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis, ‘di tulad ng karaniwang manggagawa na ‘di pa sumasayad sa kamay ang munting sahod ay kaltas na ang patong-patong na buwis.

Tingnan ang rekord ng mga kaso sa mga hukuman, Ombudsman, Sandiganbayan, ang mga nasasakdal sa malalaking katiwalian, pandarambong, karumal-dumal na krimen ay mga taong masasalapi, may malalaking impluwensiya at mga tanyag sa lipunan.

Hindi sa paglaban sa gobyerno maipakikita ang pagkamakabayan, ito ay magagawa sa pagiging madisiplina at pagiging masunurin sa batas, at sa matiyagang pagtatrabaho para sa sariling kagalingan ng pamilya.

Kapos man, maraming makabayang Filipino na nag-aabot ng tulong sa mga kapwang nangangailangan at masinop sa paggalang sa kultura at tradisyong Filipino.

Ang masinop at maayos na paglikom at pagtapon ng basura ay isang paraan ng pagpapakita ng pagkamakabayan; ang simpleng pagsunod sa batas-trapiko, pagrespeto sa ating Watawat, at pagtangkilik sa mga gawa at produktong Filipino.

***

Korupsiyon: ito ay isa sa malaking problema sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas.

Napakarami na ring batas at kilusan, task force ang naitatag upang mabawasan ito, kung ‘di man mapuksa.

Transparency at mabilis na pagkuha, paghawak ng mga impormasyon, dokumento, ebidensiya laban sa mga tiwali etc. Mayroong maraming solusyon na inihahain upang labanan ang korupsiyon, pero parang kulang pa rin.

Nangyayaring ang mga taong may tungkuling labanan ang korupsiyon ay kulang sa kakayahan at implementasyon o kaya ay kasabwat ng mga tiwali, at isa pa: walang kapangyarihan ang mamamayan na maging kalahok sa pagsusuri, pag-uusig at pagpaparusa sa mga korap.

Iminungkahi dati pa na baguhin ang sistema ng gobyerno, at gawin itong pederal at magkaroon ng jury system dito, ang taumbayan ang may kapangyarihang tumimbang sa mga impormasyon, ebidensiya at mga pahayag ng testigo at mga ebidensya upang mausig ang mga kilala, maiimpluwensiyang korap at pabaya sa tungkulin, at magparusa sa mga kriminal.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

47

Related posts

Leave a Comment