ISANG malinaw na pagyurak sa kalayaang pumili ng mga Pilipino kung sino ang kanilang kandidatong napipisil sa darating na May 9 elections, ang ginagawang pagsuspinde sa Facebook at Twitter accounts ng supporters ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM).
Base sa ating natanggap na impormasyon, umabot na raw sa 400 FB at Twitter accounts ng mga Pilipino ang nasuspinde na walang detalye kung ano ang dahilan kung bakit sinuspinde.
Sinasabi lamang na ang dahilan daw ng pagsuspinde ng pamunuan ng FB at Twitter accounts ay paglabag sa kanilang itinakdang pamantayan.
Ito ay kabilang sa kanilang tinatawag na “community standards.”
Ayon sa mga nakausap ng PUNA, kung ito man daw ay batay sa “community standards” nila ay bakit karamihan sa kanilang sinususpinde ay supporter lang ni BBM?
Ito ba ay dahil lamang sa karamihan na lumalabas sa FB at Twitter accounts ay pabor kay BBM?
Wala bang karapatang pumili ang mga Pilipino ng gusto nilang iboto?
Sa ginagawang ito ng pamunuan ng FB at Twitter sa accounts ng supporters ni BBM ay duda tuloy ang taumbayan na ang nasa likod nito ay kampo ni Leni Robredo.
Paano ngang hindi pagdududahan, kung karamihan naman sa sinususpinde ay supporters ni BBM?
Kaya nga sinasabi ko, bakit hindi lumaban nang patas ang kampo ni Robredo?
Lahat na lang ‘ata ng negatibong isyu ay ibabato nila kay BBM.
Akala siguro nila na sa kababato nila ng negatibong isyu kay BBM ay makakadagdag sa survey ratings ni Robredo.
Kahit na kumampi pa kay Robredo ang FB at Twitter ay hindi kabawasan ‘yan sa mga boboto kay BBM.
Kaya ayon, habang papalapit ang May 9 national and local elections ay lalo pang tumataas ang survey ratings ni BBM.
Sa katunayan sa pinakabagong survey ng Laylo Report mula Abril 14-20 ay lalo pang tumaas si BBM.
Si BBM ay nakapagtala ng 64%, samantala si Robredo ay 21% lamang.
Sina Isko Moreno ay 5%, Manny Pacquiao, 5%, at Ping Lacson, 2%, others 0.4% at undecided 3%.
Maging sa mga survey ng SWS, Pulse Asia, Manila Bulletin, Manila Times, Issues and Advocacy Center at iba pang kilalang survey firms ay nananatiling malayo ang agwat ni BBM laban kay Robredo.
Nangangahulugan lamang na hindi apektado si BBM ng anumang paninira laban sa kanya.
Walang ibang magdedesisyon kung sino ang kanilang iboboto kundi ang taumbayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
121