BUDOL NI VILLAR SA LAGAY NG TRAPIKO SA METRO MANILA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HILONG-TALILONG na ang mga otoridad ng transportasyon sa kahahanap ng remedyo sa malupit na trapiko sa Kalakhang Maynila.

‘Yan tuloy nabulatlat ng mga netizen ang pagyayabang ng dating kalihim ng DPWH na si Mark Villar na 20-30 minutes na lang ang biyahe sa Metro Manila pagsapit ng 2022.

Bago naging senador ay nagsilbing DPWH secretary si Villar noong 2016 to 2021, panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero naging meme na lang ang pahayag ni Villar kasi hanggang ngayon malaking konsumisyon pa rin ang lagay ng trapiko sa kalakhang Maynila.

‘Di mo masisisi ang mga netizen kung kantyawan ang batang Villar na isa ring mambubudol.

Ipinatupad na nga ng ilang local government units ang 7 a.m. to 4 p.m. work schedule para ikalat ang peak hours.

Wala naman atang epek o hindi naman umusad nang maayos ang daloy ng trapiko.

Piga-utak na ang ginagawa pero hindi pa rin mapagtagpi-tagpi ang mga piraso ng palaisipan para madiskubre ang solusyon.

Kaya eto, mall hours ang napagtripan.

May suhestyon si Metro Manila Council (MMC) President Francis Zamora na i-adjust ang mall hours upang maibsan ang trapiko sa Kamaynilaan.

Ang pagbabago ng mall hours, ayon kay Zamora na mayor ng San Juan, ay tipikal na ginagawa tuwing kapaskuhan para mabawasan ang trapiko, ay magandang mungkahi.

Ay naku, iba ang seasonal na kapaskuhan kumpara sa ordinaryong mga araw.

Natural na marami ang dumadagsa sa mall kapag Christmas season.

Pero sa ordinaryong mga araw ay walang masyadong tao sa mall. Ang mga nagtatrabaho ay pasok sa opisina at uwi sa bahay ang ginagawa.

Eh, ano ang koneksyon ng mall hours sa trapiko?

Napagbalingan na naman ang mall hours pero ayaw ipagdiinang isulong ang maayos na public transportation.

Para bang mga mall lang dahilan kaya malala ang trapiko sa Kalakhang Maynila.

‘Bat kasi ayaw ipatupad ang flexi work na oras.

Ang MMC, na binubuo ng 17 mayor mula sa 16 siyudad at isang bayan, ang policy-making body ng MMDA. Kaya sana naman, ‘yung maayos at epektibong mga polisiya ang imungkahi, pag-aralan at ipatupad.

Teka, heto at may pampawi ng kaba ng komyuter sa pag-arangkada ng modern jeepneys.

Wala raw katotohanan ang dagdag na P25 sa pamasahe, ayon mismo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

So, mananatili ang pamasahe sa mga consolidated jeepney at mga modern jeepney.

May umugong kasing balita na may nagsusulong ng P25 dagdag sa pasahe upang mabawi ang pinuhunan sa pagbili ng modern jeepney alinsunod sa public utility vehicles modernization program (PUVMP).

Ang umiiral na minimum fare para sa traditional jeepneys ay P13 at P15 naman sa modernong jeepneys kaya magiging P40 ang minimum na pamasahe sa moderno sakaling mangyari nga ito. Aray ko!

Pero, malamang na sa susunod na mga araw ay may humirit na ng dagdag-pasahe.

Sa ngayon ay pakiramdaman muna. Tantiyahan o “aber nga subukan muna kung may kikitain sa modern jeepney.”

Baka ‘pag bumaba na ang heat index o medyo malamig na ang ramdam ng katawan ay uminit na ang dagdag P25 sa pamasahe sa modern jeep.

Batid n’yo naman sa Pilipinas, na hindi nauubusan ng mainit na isyu.

Kapag lumamig ang isa, agad na may susulpot na mas mainit na pagdedebatehan.

48

Related posts

Leave a Comment