CASH ASSISTANCE IPAMAMAHAGI NG SWARM SA MINDANAO

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

UMABOT sa mahigit kalahating milyong piso ang ambagan ng mga miyembro ng Special Alliance of Welfare Officers, Advocates, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) Inc. matapos manawagan ang pamunuan nito na tulungan ang pamilya ng mga OFW na nasalanta ng Bagyong Paeng sa Cotabato at BARMM.

Matapos ang pagsalanta ng bagyo ay agad na nakipag-ugnayan ang SWARM Inc. sa OWWA Regional Directors sa BARMM at Region 12 upang alamin mula sa kanila ang pangunahing pangangailangan na madaling maipamamahagi sa apektadong pamilya ng mga OFW.

Una rito ay nakipag-ugnayan din ang SWARM Inc. sa Philippine Air Force Reserve (PAFR) Command upang humiling ng paglipad ng mga relief goods na iimpake ng grupo ng SWARM Inc., patungo sa Mindanao na agad naman tinugunan ni Wing Commander General Charito Plaza ng PAFR. Ngunit napagdesisyunan na rin na imbes na mag-impake pa ng pagkain na isasakay sa eroplano ay magdi-distribute na lamang ang pamunuan ng pera sa bawat pamilyang apektado na nakalista sa ipinadalang listahan ng OFW Family Circle sa nasabing lugar, sa pakikipag-ugnayan sa OWWA BARMM at Region 12.

Kahanga-hanga ang bilis ng pagkilos ng samahang SWARM Inc. para lamang matulungan ang bawat pamilya ng mga OFW. Saludo ang AKO-OFW sa grupo na ito na pinasimulan ni Atty. David Castillon.

Samantala, ako ay nababahala sa tuluyang paglaganap ng mga mapang-abusong OFW “kuno” sa sistemang pinapatupad ng ating DMW. Noong Miyerkoles ay aking nakausap ang mga dating kasamahan sa Kuwait na ang ilan ay nagtatrabaho bilang secretary ng Foreign Recruitment Agencies. Sumbong nila na nabibigla sila ngayon sa sunod-sunod na mga pangyayari na kung saan marami na sa kanilang mga deployed na OFW ay bigla na lamang magpapaalam na uuwi sa Pilipinas gayong iilang araw pa lamang sa Kuwait simula nang dumating galing sa Pilipinas.

Kwento ng isa sa kanila, may isang worker sila na 10 days pa lamang sa Kuwait ngunit nag-request na agad na pauwiin ito dahil lamang sa tapos na raw ang kanyang vacation leave sa Pilipinas.

Agad naman nagsumbong sa One Repatriation Command Center ang pamilya nito kung kaya agad na ipinag-utos ng POEA na pauwiin ito sa loob ng 15 araw.

Isa pa sa sumbong ang isang OFW na halos isang buwan pa lamang nagtatrabaho ay nag-request na agad ng umuwi sa Pilipinas dahil lamang sa hindi daw niya gusto ang klima sa bansang Kuwait na agad naman tinugunan ng POEA na pauwiin sa loob ng 15 araw dahil kung hindi ay masususpinde ang ahensya nito.

Tila inaabuso ng ilang mapagsamantalang OFW “kuno” ang direktiba na ito ni Usec. Hans Cacdac na hindi magtatagal ay marami ang mga OFW ‘kuno” na mag-a-apply lamang para makapagturista nang libre sa ibang bansa.

Ang tunay na OFW kasi ay seryoso sa kanilang pinapasok na ­hanapbuhay sa ibang bansa at baon ang tatlong pangunahin pangarap sa kanilang pangingibang bansa. Ito ay ang mga sumusunod: 1.

Mapag-aral ang mga anak, 2. Magkaroon ng munting hanapbuhay, at ang ika-3 ay magkaroon ng sariling bahay. Walang tunay na OFW ang gugustuhin lamang mamerwisyo sa industriya at sa gobyerno.

252

Related posts

Leave a Comment