CHA-CHA HANGGANG KAMARA LANG?

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG talagang gusto ng Legislative Branch of Government o ang Kongreso na amyendahan ang Saligang Batas, dapat kausapin munang maigi ang kanilang counterpart sa Senado.

“It takes two to tango” ika nga nila sa pag-amyenda sa 1987 Constitution, kaya kailangang tiyakin muna ang suporta sa Senado dahil hangga’t ang congressmen lang ang magsasayaw ng Cha-Cha ay nagsasayang lang sila ng pera at panahon.

Hindi biro ang perang nagagastos ng isang komite sa paggawa ng batas lalo na kung sa labas ng Kongreso isasagawa ang konsultasyon tulad ng ginagawa ngayon sa Cha-Cha proposal para pulsuhan daw ang mga tao.

Panahon pa ni dating Pangulong Fidel Ramos tinangkang amyendahan ang Saligang Batas na nabuo matapos matanggal sa kapangyarihan ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa pamamagitan ng Peoples Revolution noong Pebrero 1986.

Tinangka rin nina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na amyendahan ang saligang batas sa pamamagitan ng kanilang hiwalay na executive order na bumuo ng isang grupo na mag-aaral, kung anong mga probisyon ang aamyendahan at anong porma ng gobyerno ang ipapalit sa presidential form.

Natigil lang ang pagsayaw ng Cha-Cha noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III pero muling nabuhay nang maging Pangulo si Rodrigo Duterte noong 2016 dahil ang isa sa ipinangako nitong gagawin kapag siya ang nahalal na pangulo ay babaguhin at aamyendahan ang Konstitusyon.

Nabigo sina Ramos, Estrada, Arroyo at Duterte sa kanilang hangarin at ngayon ay muli na namang pinag-uusapan ito dahil noong panahon ng eleksyon, hindi isinarado ni Marcos Jr., ang kanyang pintuan sa pagsayaw ng Cha-Cha.

Bukod sa congressmen, may mga grupo ring nagtutulak ng Cha-Cha tulad ng People’s Initiative for Reform, Modernization and Action (PIRMA), Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), grupong Federal at iba pa.

Hindi rin mabilang kung ilang beses na nagpasa ng resolusyon ang Kamara para amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) at Constitutional Convention (ConCon) pero dinedma lang ng mga senador.

Simula’t sapul ay ayaw ng mga senador na galawin ang 1987 Constitution kaya hangga’t walang suporta ang Mataas na Kapulungan ay walang mangyayari diyan at hindi magkakaroon ng bagong saligang batas.

Baka magkakaroon lang ng bagong saligang batas kapag may mapatalsik na pangulo tulad noong 1986 na naging dahilan ng pagsuspinde sa 1973 Constitution at bumuo ng bago tulad ng ginawa noon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Pero ganyan talaga ang sistema sa bicameral form of government, hindi magtatagumpay ang isang kapulungan kung walang basbas ang pangalawang kapulungan.

Ang kailangang lang sigurong gawin ng congressmen ay ibalik ang tiwala sa kanila ng mga senador at taumbayan sa kabuuan dahil hangga’t may duda walang mangyayari dyan.

157

Related posts

Leave a Comment