Sa kabila ng kampanya ng Department of Interior and Local Government laban sa 46 lokal na opisyal na sinasabing narco-politicians, 27 sa 37 tumakbo para sa re-election at ibang posisyon ang nanalo sa halalang Mayo 13.
Sa 27 na narco-pols na nanalo, 18 ay binoto muli sa parehong posisyon samantalang walong incumbent mayor at vice mayor ang nanalo sa ibang posisyon dahil sa term limit na itinatadhana sa ating Saligang Batas.
Kabilang sa mga nanalong narco-pols ay 18 mayor, tatlong vice mayor, dalawang kongresista, isang vice governor, isang provincial board member at isang konsehal. Ang mga ito ay miyembro ng mga partido politikal gaya ng PDP-Laban (6), Nationalist People’s Coalition (6), Nacionalista Party (6), National Unity Party (2), Lakas (2), Kilusang Bagong Lipunan (1) at tatlong independiente o walang partido.
Ang mga nasabing narco-pols ay nasa listahan ni Pa¬ngulong Rodrigo Duterte at ang punong ehekutibo mismo ang naglabas ng narco-list noong 2016 o tatlong taon bago pa man magsimula ang kampanya para sa May 13 elections.
Noong Marso, naghain ng administrative complaint ang DILG sa laban sa 46 na incumbent local officials dahil sa kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga bilang operator o protektor. Kasama sa kinasuhan ng DILG ang 35 mayor, pitong vice mayor, isang provincial board member at tatlong kongresista.
Hindi lang malinaw kung bakit walang criminal complaint ang isinampa laban sa 46 na narco-pols gayung ang Philippine Drug Enforcement Agency data ang nangalap ng ebidensya at ang natu¬rang ahensya rin dapat ang naghain ng kasong kriminal laban sa mga ito.
At ang nakakagulat din ay sa kabila ng kanilang pagi¬ging narco-pols ay nanalo pa rin ang 27 sa kanila gaya ng iniulat ng Philippine National Police.
Maging si DILG Secretary Eduardo Año ay dismayado sa pagkapanalo ng mga narco-pols dahil lumalabas na kulang pa rin talaga sa “political maturity” ang mga botante.
Paliwanag ni Secretary Año: “Our voters seemed not mature enough, but then the public has spoken, the people have spoken… It is now my job to ensure that these government officials will do their jobs in accordance to the mandate of the Local Government Code.”
Ang malaking katanungan nga ay kung bakit sa kabila ng administrative complaint laban sa mga narco-pols ay kung bakit hindi naalerto ang Anti-Money Laundering Council para tingnan ang mga bank accounts ng mga nasabing politiko at kung may kahina-hinalang mga transaksyon ay agad na na-freeze para hindi nagamit sa eleksyon.
Dapat din sanang gumalaw ang Bureau of Internal Revenue kung ang binabayad na buwis ng mga narco-pols ay tumutugma sa istilo ng kanilang pamumuhay gaya ng mga uri at dami ng bilang ng mga sasakyan, bahay at ang malimit na pagbiyahe sa ibang bansa.
Minsan nang nagreklamo si Pangulong Duterte na ang pangunahing kalaban niya pagdating sa drug war ay ang gobyerno mismo lalo pa’t ang tone-toneladang shabu na pumapasok sa bansa ay nagdaraan mismo sa Bureau of Customs.
At sa pagkapanalo ng mga narco-pols, gobyerno pa rin ang problema dahil hanggang ngayon ay walang criminal complaint laban sa mga ito na madali sanang gawin kung mahusay ang kooperasyon ng mga ahensya ng pamahalaan gaya ng DILG, PDEA, AMLC at BIR. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
294