Sana hindi maging ‘ningas-cogon’ ang plano ng Kongreso na muling buksan at palawakin ang imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na Dengvaxia vaccine upang mapanagot ang mga responsable lalo noong panahon ni ex-president Noynoy Aquino III sa pagkamatay ng maraming batang nabakunahan nito.
Mismong ang House Committees on Good Government and Public Accountability at Health ay nais ma-review ang P3.5-B na kontrata ng gobyerno lalo na ng Department of Health (DOH) sa Sanofi Pasteur Inc. at Zuellig Pharma Corp. at malaman na rin kung talagang may bisa o wala ang Dengvaxia.
Nirekomenda na rin ang pagsampa ng kaso kina ex-Department of Budget and Management secretary Florencio Abad; ex-DOH chiefs Janette Garin at Paulyn Jean Ubial; Philippine Children’s Medical Center director Julius Lecciones; ex-health officials Dr. Kenneth Go at Dr. Irma Ducusin, at iba pang PCMC officials.
Kanila ring itinulak na maimbestigahan ng Anti-Money Laundering Council ang mga ito kasama na ang ilang kasalukuyang opisyal at empleyado na sangkot sa pagbili ng kontrobersyal na bakuna.
Sa ayuda ng Public Attorney’s Office sa pangunguna ni Chief Percida Rueda-Acosta, nagsampa ng multiple counts of reckless imprudence resulting in homicide ang mga namatayan laban sa mga salarin sa Department of Justice makaraang aminin mismo ng Sanofi Pasteur na delikado ito sa mga taong hindi pa nagka-dengue pero nabakunahan na nito.
Tamang diskarte
IMBES na brasuhin, tama lang ang diskarte nitong si Navotas City Mayor Toby Tiangco na manawagan at paalalahanan muna ang mga residente bago magsagawa ng matinding clearing ops sa mga kalsada at bangketa.
“Mismong si Pangulong Duterte na ang nag-utos at dapat lamang na lahat tayo’y tumalima dahil para naman lahat sa ating kaginhawaan at kaayusan ito,” ani Mayor Toby.
Navotas West, bagong drug-cleared barangay
Nadagdag sa drug-cleared barangays ang Navotas West sa pamumuno ni Chairman Elvie dela Rosa makaraang i-certify ito mismo ng Philippine Drug Enforcement Agency na s’ya namang ikinagalak ni Mayor Toby at mga opisyal.
Para maging drug-cleared, kailangan na ang isang barangay ay walang drug supply, walang drug den, walang drug transit/transshipment activity, at walang drug laboratory o warehouse.
Dagdag pa rito, ang drug personalities na nasa unified watchlist ay kailangang mabigyan ng karampatang tugon, ang barangay ay may drug-free workplace; at ang mga opisyal nito ay aktibong sumusuporta sa anti-drug activities. Naunang naideklarang drug-cleared ang Barangays Navotas East, North Bay Boulevard South Dagat-dagatan, San Rafael Village, Tanza I at Tanza II. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)
120