KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
STRAIGHT from the horse’s mouth. Inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hearing sa Senado nitong Oct. 28 na siya ang utak sa mga pagpatay noong kanyang malagim na giyera laban sa ilegal droga. Itinumba ng kanyang “death squad”.
Hindi na mahalaga kung pulis o gangsters ang bumubuo ng death squad. Nilinaw na niya sa publiko sa naganap na hearing sa Senado, na siya ang tanging may responsibilidad sa malawakang pagpatay na tinaguriang “extra judicial killings” o EJKs.
Batay sa ulat ng pulisya, tinatayang mahigit sa 6,000 ang napatay sa drug war dahil “nanlaban” daw samantalang sa indyependenteng datos, umaabot sa 30,000 ang naging mga biktima ng EJKs sa panahon ni G. Duterte.
Kasabay ng kanyang pagtutungayaw, hinamong muli ni Duterte ang pamahalaan na sampahan siya ng kaso sa mga nangyaring patayan noong kanyang administrasyon.
Ano ngayon ang gagawing tugon ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr? Magpapatuloy sa kanilang pagkakatameme?
Naghihintay ng katarungan ang pamilya ng mga biktima ng EJKs. ‘Wag ninyo silang biguin.
##########
Minsan pang pinatunayan sa atin ng Inang Kalikasan ang kakayahan niyang gumanti sa patuloy na panggagahasa ng tao sa likas na kapaligiran.
Nitong nakaraang linggo, walang habas na sinalanta ng bagyong si Kristine ang maraming bahagi ng bansa. Tinatayang mahigit sa 100 katao ang namatay, marami pa ang nawawala at multi-bilyong piso ang halaga ng pinsala sa mga lugar na dinaraanan ng kanyang bangis.
Taon-taon ay umaabot sa 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas. Iba-iba ang termino ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) – “tropical depression”, “tropical storm”, “severe tropical storm”, “typhoon”, at “super typhoon”. Depende sa lakas ng hangin at dami ng ulan.
Pero sa mga Pinoy, basta’t masama ang panahon, maulan at may signal number…BAGYO ang tawag!
##########
Dahil sa malaking pinsala ni Kristine, muling nabigyang atensyon ang matagal nang pang-aabuso sa ating natural na kapaligiran.
Marami na namang sumisigaw na ihinto na ng gobyerno ang pagpapaputol sa mga puno sa kabundukan, ang mga pagmimina, quarry at iba’t ibang aktibidades, legal at ilegal, na patuloy na nagwawasak sa kalikasan.
Pero kagaya nang dati kapag nawala na sa balita ang pinsala ng bagyo, wala ring magaganap na positibong pagbabago. Limot na ang pinsala.
Mananatili ang dating praktika at polisiya ng kinauukulang mga ahensya ng gobyerno gayundin ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan na pumipikit na lang at nagsasawalang-kibo sa nagaganap na krimen sa kalikasan. Kung ano ang kapalit? PERA.
Lalo na ngayong panahon ng eleksyon. Ayon sa impormasyon ng mga katutubo sa Sierra Madre mountain ranges sa norteng bahagi ng lalawigan ng Quezon, mas lalong nagiging talamak ang illegal logging. Dahil kailangan ng kandidatong opisyal ang perang pangkampanya, sila pa mismo ang promotor sa ilegal na pagpuputol ng mga puno sa kabundukan para pagkakwartahan.
At dahil walang mangyayari sa ating mga reklamo, ang resulta – muli tayong daranas ng mga pagbaha, muling guguho ang lupa, muling aapaw ang tubig sa mga ilog, muli tayong lilikas, maraming mapipinsala, mawawasak na mga ari-arian at muling maraming mamamatay – pagkatapos ng bawat malakas na bagyo.
##########
Nasaan ang multi-bilyong pisong pondo sa flood control projects na taon-taon ay kasama sa badyet ng gobyerno? Bakit patuloy at lalong nagiging mapanganib ang bawat pagbaha?
Ang marami sa mga proyektong ito ay inisyatiba ng ng mga kongresista at senador.
At dahil sila ang pinaggalingan ng pondo mula sa confidential fund, “pork barrel” o kahit na ano pa ang ipangalan dito, hindi pa man nagsisimula ang proyekto ay kinukubra na ng mga korap na opisyal ang 30 hanggang 40 porsyento ng kabuuang pondo bilang kick-back.
Ang resulta – ampaw o walang silbi ang proyekto.
Ang nakaiinsulto pa nito – habang nakalubog sa baha ang bahay at ari-arian ng mga biktima, darating ang mga manderekwat na opisyal na may dalang bigas, sardinas, noodles na may kasama pang ilang daang piso bilang ayuda.
Tanggapin natin ang ayuda dahil mahirap ang buhay. Pero sabayan natin ng bulong: “‘Tang…na mo! May araw ka rin!” At ang pinakabigwas – ‘WAG na ‘WAG natin silang muling iboto sa darating na eleksyon.
Maghalal tayo ng tunay na may malasakit sa mamamayan at sa ating Inang Kalikasan.
9