DRIVER’S LICENSE PRIBILEHIYO LAMANG, ‘DI KARAPATAN

PUNA Ni JOEL AMONGO

MALINAW na hindi karapatan ang pagkakaroon ng lisensya sa pagmamaneho, kundi pre­bilihiyo lamang po ito na ibini­bigay ng gobyerno sa bawat driver.

Ibig sabihin, kung prebilihiyo lang po ang pagkakaroon ng ­driver’s license ay pwede itong bawiin ng gobyerno sa naisyuhan nito. Kaya ‘wag abusuhin.

Lalo na kung ang naisyuhan ng driver’s license ay walang ­disiplina sa pagmamaneho, wa­lang pakialam sa traffic signs, walang respeto sa mga awtoridad at pedestrian na gumagamit din ng kalsada.

Tulad na lamang po sa pangyayari kamakailan, sa nag-viral na pananagasa sa isang security guard na nakilalang si Christian Joseph Floralde.

Si Floralde ay binundol hanggang sa tuluyan siyang sinagasaan ni Jose Antonio Balmonte San Vicente, Jr. ng minamaneho nitong Toyota Rav 4 habang nagmamando ito ng daloy ng mga sasakyan sa Julio Vargas at St. Francis streets sa Mandaluyong City.

Kitang-kita sa video na viral ngayon sa social media, kung paano binundol ng driver ang kawawang guwardiya hanggang sa sagasaan siya.

Imbes na bumaba ang driver at tingnan ang kanyang biktima para dalhin sa ospital ay tuluyan niya pang sinasagasaan ang kawawang guard.

Kung ang PUNA ang masusunod sa nakita nating video, hindi lang suspension ang dapat gawing parusa sa driver na ito, kundi alisan o i-revoke ang kanyang lisensya.

Malinaw na wala siyang respeto sa kapwa niya, marami pa siyang mapeperwisyo kung magpapatuloy siyang magma­maneho.

Siyempre, kung wala siyang respeto sa tao, maaaring wala rin siyang respeto sa batas trapiko.

Kaya kung pribilehiyo ­lamang ang pagkakaroon ng driver’s ­license, agad nang bawiin ito ng Land Transportation Office (LTO) sa kanilang inisyuhan na mga pasaway na nagmamaneho.

Paano na lang kaya kung hindi nakunan ng video ang pangyayari baka binaliktad pa ang kawawang guwardiya?

Buti na lang may nagmalasakit at nakuha ang plaka ng kulay puting Toyota Rav 4.

Kung hindi po mabibigyan ng LTO ng pinakamabigat na kaparusahan ‘yang driver ay baka gayahin ng iba pang tao na may kaya sa buhay.

Baka sabihin nila na kayang-kaya nilang lusutan ang mga ganyang kaso.

Hindi po natin pinangungunahan ang LTO sa kanilang ­magiging desisyon laban sa ­driver, ang ating lamang po dahil sa nakita natin sa video na sa halip na bumaba siya para tingnan at dalhin sa ospital ang kanyang biktima ay tuluyan niya pang sinagasaan ito.

Simple lang po, baliktarin ­natin ang pangyayari, si driver ang guwardiya at ginawa niya rin ang pananagasa, ano kaya ang magiging pakiramdam niya?

Ang ayaw nating gawin sa ating sarili, ‘wag din natin gawin sa iba.

Lahat tayo ay nasasaktan at may pakiramdam bilang mga tao. Kaya ikaw driver, kung anong ginawa mo sa guwardiya, harapin mo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

1080

Related posts

Leave a Comment