‘DUWAG SA TSINA ANG ADMINISTRASYONG DUTERTE’

TINGNAN NATIN

SINISIRA talaga ng mga Intsik ang likas na yamang dagat sa West Philippines Sea, hindi na ito sikreto at hindi na maitatago.

Tingan Natin: kitang-kita sa sariwang mga “satellite images” na inilabas ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ang mapaniraang mga barko ng intsik na humahango ng taklobo sa karagatang sakop ng hurisdiksiyon ng Pilipinas.

Bukod sa walang pakundangang pagnanakaw ng mamahalin at endangered na “giant clams” o Taklobo, permanenteng pinsala ang dulot ng pamamaraan ng mga Intsik na nanghihimasok sa teritoryo ng bansa.

Inaari ng Tsina ang halos kabuuan ng West Philippines Sea, kasama ang Spratlys at Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na tahasang inagaw ang kontrol sa napangangang Philippine Navy noong 2012.

Tingnan Natin: Sa reklamo ng Pamahalaang Pilipinas, nagdesisyon noong 2016 ang Permanent Court of Arbitration na bumalewala sa malawakang “claim” ng Tsina sa West Philippines Sea.

Pero ang pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas piniling magsipsip sa mga Intsik at hindi iginiit ang napanalunang karapatan sa ating karagatan.

Utang nang utang ang binigyang prayoridad ni Duterte pagdating sa pakikipagrelasyon sa Tsina, at buong karuwagan pang nagdeklarang hindi siya makikipag-giyera sa Tsina.

Tingnan Natin: hindi naman tayo nag-iilusyon na magmalaki ang Pilipinas na makiki-giyera sa Tsina pero kahit mas mahina ang ating pwersa, hindi na dapat ipinapangalandakan pa.

Kung tutuusin, mas mahalaga ang paninindigang lalaban kahit dehado kapag ang teritoryo at lalo na kung ang dangal ang niyuyurakan.

Nitong May 3, 2019, nagpalabas ng Writ of Kalikasan ang Supreme Court ng Pilipinas na nag-aatas sa mga opisyal ng bansa na pangalagaan ang “marine environment” sa West Philippines Sea batay sa petisyon ng mga mangingisdang Pinoy na taga-Zambales at Palawan.

Tingnan Natin: wala pa ring kongretong hakbang ang pamahalaang Duterte at sa harap ng malinaw na ebidensiyang inilabas ngayon ng AMTI, walang dahilan para manatiling nakatunganga lang.

Kung utos na ng Korte Suprema na Writ of Kalikasan ang sinusuway at binabalewala, may hakbang ba itong magagawa o gagawin laban sa pamahalaan ni Duterte?

Kung wala, para ano pa ang Writ of Kalikasan? Kung mayroon, ano at kailan? Tingnan Natin.  (Tingnan Natin / Vic V. Vizcocho, Jr.)

144

Related posts

Leave a Comment