ELECTION ‘HOT SPOTS’ AT HOPE

SIDEBAR

ELECTION “hot spot” ang tawag ng Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na may kasaysayan ng karahasang politikal at puwedeng maging madugo sa panahon ng kampanya kung kaya inilalagay sa Comelec control ang mga nasabing lugar.

Sa kasalukuyang kampanya para sa halalan sa Mayo 13, hindi na simpleng election “hot spots” lang ang tawag ng PNP at sa halip ay gumagamit na sila ng color-coding scheme para sa klasipikasyon sa mga natu-rang lugar mula panahon ng kampanya hanggang araw ng eleksyon sa Mayo 13.

Base sa color coding scheme ng PNP, Yellow area ang tawag sa mga lugar kung saan may mga election-related violent incidents na nangyari sa nakalipas na dalawang eleksyon at may kasaysayan ng matinding bangayan sa politika na nag-resulta sa pagkakalagay sa mga ito sa Comelec control.

Orange area ang tawag sa mga lugar na may aktibong presensya ang mga armadong grupo gaya ng New People’s Army, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, Abu Sayyaf Group at mga break-away faction ng Moro National Liberation Front o Moro Islamic Liberation Front. Red area naman ang mga lugar na may kombinasyon ng mga salik ng makikita sa Yellow at Orange areas.

Ayon kay PNP Director General Oscar Albayalde, umaabot sa 94 na mga syudad at munisipalidad ang bilang ng “red areas” na mala¬king pag-igpaw mula sa 19 “red areas” noon lamang Enero.

Umaabot naman sa 382 na mga syudad at munisipalidad ang “orange areas” samantalang 223 ang klasipikado sa ilalim ng “yellow areas.”

Sa 94 na “red areas” ng Comelec, 27 ang nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao; 19 sa Bicol; tig-pipito naman sa Calabarzon at Western Mindanao; tig-aanim sa Mimaropa at Western Visayas; lima sa Northern Mindanao; tig-aapat sa Soccsksargen at Cordillera; tatlo sa Eastern Visayas; tigalawa sa Central Luzon at Davao, at tig-iisa ang Caraga at Cagayan Valley.

Pero hanggang noong Martes, dalawa pa lamang sa mga “red areas” ang nasa ilalim ng Comelec control – Cotabato City at munisipalidad ng Daraga sa lalawigan ng Albay.

Bagama’t walang “red” area sa Metro Manila at Ilocos Region, “yellow area” naman ang mga syudad ng Mandaluyong, Manila, Caloocan, Malabon at Pasay.

Posibleng madagdagan ang mga “red area” sa ilang mga lalawigan lalo na sa pagpasok ng lokal na kampanya sa Abril.

Kabilang sa mga potensyal na “red area” ang Moises Padilla sa Negros Occidental; Tabuk City sa Kalinga; San Jose del Monte City sa Bulacan; Mamburao sa Occidental Mindoro; San Lorenzo Ruiz (Imelda) sa Camarines Norte; Pio V. Corpuz sa Masbate; Datu Saudi-Ampatuan, Shariff Aguak at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao; Sultan Dumalondong sa Lanao del Sur; at Panamao sa Sulu.

Malaking hamon para sa PNP ang mapanatili ang katahimikan sa panahon ng kampanya at araw ng eleksyon para magiging makatotohanan ang magiging resulta ng mid-term elections. HOPE ang dating tawag dito – Honest, Orderly and Peaceful Elections.

Sana nga ay magkaroon tayo ng HOPE kontra sa election-related violence. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

117

Related posts

Leave a Comment