ELEKSYON SA AMERIKA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG mayroong inaabangang eleksyon sa buong mundo ay ang halalan sa Amerika na ginaganap kada apat na taon dahil halos lahat ng mga nasyon kasama ang Pilipinas, ay may matinding impluwensya si Uncle Sam.

Kahit ‘yung mga bansang banas na banas sa Amerika dahil sa pangingi-alam nila, ay inaabangan kung sino kina Democrat presidential candidate Kamala Harris, at Donald Trump ng Republican, ang mananalo sa November 5 presidential election. November 6 sa atin.

Nakasalalay sa eleksyon na ito kung magpapatuloy o matitigil na ang mga giyera sa iba’t ibang bansa tulad ng Ukraine laban sa Russia, Israel laban sa Iran, at proxies nila tulad ng Hezbollah, Hamas at iba pang terrorist group sa Syria, Iraq, Yemen at iba.

‘Yan ang pangunahing dahilan kaya inaabangan ng buong mundo ang resulta ng eleksyon sa Amerika at siyempre, may kanya-kanyang manok ang mga lider ng mga bansa pero hindi nila pwedeng isapubliko.

Kahit tayo dito sa Pinas, may gustong makabalik si Donald Trump at may gusto na si Kamala Harris ang manalo. Kahit ang Palasyo ng Malacañang, siguradong may manok ‘yan pero hindi puwedeng isapubliko ni BBM dahil kapag nagsabi siya kung sino sa dalawang ito ang kanyang manok tapos matatalo eh yari siya at ang Pinas.

Kaya nag-aabang na lang muna siya at matik na kung sino ang mananalo sa dalawang ito ay padadalhan nila ng congratulatory note. Playing safe kung baga ang lahat ng lider ng mga bansa sa buong mundo.

Sa totoo lang, mas inaabangan pa nga ng mga Pinoy ang resulta ng eleksyon kaysa resulta ng halalan sa sariling bayan dahil dito sa atin, alam na nila kung sino ang mananalo sa simula pa lamang ng kampanya.

‘Yung mga debate ng presidential candidates sa Amerika ay pinanonood talaga ng mga botante dahil diyan nila sinusukat kung nararapat bang iluklok sila sa kapangyarihan o dapat ilaglag.

Dito sa atin, ang mga kandidato tulad ni BBM, noong nakaraang eleksyon ay umayaw o natakot sa debate pero siya pa rin ang ibinoboto ng mga tao kaya ngayon ay sising-sisi na ang mga bumoto sa kanya.

Sa susunod dapat obligahin na ang lahat ng mga kandidato na humarap sa presidential debate para masukat natin kung nararapat ba silang mamuno sa ating bansa o hindi. Hindi dapat maulit ang ginawa ni BBM.

Malamang kasi na may gagaya sa kanya sa susunod na presidential election kaya dapat gumawa ang Kongreso ng batas na dapat humarap sa debate ang mga presidential candidate at kung tatanggi ay madi-disqualify sila.

Ngayon kasi walang ngipin ang Commission on Election (Comelec) na idiskwalipika ang kandidato na takot sa debate kaya kailangan natin ng batas para maobliga ang lahat ng mga kandidato na humarap sa taumbayan.

41

Related posts

Leave a Comment