EPAL TIME!

SA tuwing may pananalasa ng delubyo, karaniwang eksena ang mga papansing politikong ihayag sa publiko ang kanilang pagtulong sa mga nasalantang Pilipino. Kodak dito, Kodak doon sa hangaring lumanding sa mga pahina ng pahayagan o bahagi ng programa sa ­telebisyon.

Sa pag-inog ng panahon, mas nakilala sila sa taguring epal o yaong abala sa pagsawsaw sa tuwing may pagkakataon sa hangarin magpapansin sa publiko bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa nalalapit na halalan.

Ang siste, marami sa mga epal ay yaong mga mismong nakaupo sa gobyerno. Ang masaklap, ‘di nila pera ang ipinantutustos sa mga anila’y ‘tulong’ na ipinaabot sa biktima ng delubyo.

Sa pananalasa ng bagyong Maring sa mga lugar na may mataas na bilang ng botante, asahan ang kani-kanilang diskarte. Mga relief goods na pake-pakete, asahan nating may kalakip na pangalan at pagmumukha ng mga aspirante.

Kung tutuusin, wala silang karapatang magpabida lalo pa’t perang ginamit ‘di naman galing sa kanilang bulsa. Pero ‘yan ang kalakaran at matagal na panahon nang nakagawian.

Halaw sa salitang mapapel, ang epal ay ­yaong hindi nahihiyang ipagyabang ang ano mang mayroon siya – kapirasong tulong katumbas ang publisidad na dumadagundong. Sila rin yaong nagmamarunong. Panay-panay ang sawsaw sa mga usaping lipunan sa hangaring mapansin ng sambayanan.

Naglalakihang tarpaulin sa kahabaan ng mga malalapad na daanan, mga mukhang nakapaskil sa mga sasakyan, mga give-aways na kalakip ang kanilang pangalan, at marami pang gimik na tiyak na kasusuklaman.

Kung tutuusin, hindi barya ang kanilang puhunan sa hangaring manatiling lutang ang kanilang pangalan. Maging sa social media, kumuha pa ng mga bayaran para lang mapag-usapan.

Sa paglisan ng bagyong Maring, marami na ang nauna sa paandar na tulong nila. Pero ‘wag ka… ang perang ginamit ay buwis ng masa.

Sa mga nalalabing buwan ng taon, tiyak na marami pang bagong dadaong. Sa bawat bagyo, may dadayo – politiko kasama ang kanyang hukbong panay lang ang kuha ng litrato. But wait there’s more, ang kanilang maagang pambobola, may kasama pang kalendaryong pirmado.

Sa mga wala sa pwesto, puhunan ang bawat sentimo. Sa pag-upo nila ay tiyak din namang kakambyo. Hindi nila hangad na magbawi. Ang pakay nila’y kumita nang malaki.

Ang kultura ng pulitika, sadyang para lang sa may kaya.

60

Related posts

Leave a Comment