EXPANDED CENTENARIAN ACT AT MARAWI COMPENSATION FUND

DI KO GETS ni ANDREW CAYANONG (GUEST COLUMNIST)

MALAPIT nang maisabatas ang panukalang amyendahan ang Centenarian Act.

Umuusad na kasi ito sa Senado.

Sa kabilang banda, kumpiyansa si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla na mararamdaman na sa mga susunod na panahon ang pinalawig na batas na kanyang iniakda.

Ikinagagalak at ipinagpapasalamat ni Revilla ang pagpasa sa 3rd and final reading sa bill na nagpapatunay raw sa pagpapahalaga, pagmamahal, at pagkalinga sa ating mga lolo at lola.

Sa ilalim ng bill, pagkakalooban na rin ng cash gift ang mga senior citizen na may edad 80, 90, bukod sa 100 taong gulang.

Sa Senate Bill 2028 o ang panukalang ‘Expanding the Coverage of the Centenarians Act,’ bibigyan ang mga matatanda ng P10,000 sa pagsapit sa edad na 80-anyos, P20,000 naman sa edad na 90-anyos, at P100,000 pagsapit sa edad na 100.

Samantala, labis namang ikinalugod ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang nakatakdang paglalabas ng pondo para sa Marawi compensation fund.

Bago naipasok sa panukalang 2024 National budget, nakakuha ng commitment ang mambabatas mula sa Department of Budget and Management (DBM) na ilalabas na raw ang P1-bilyon na badyet para sa kompensasyon na nakapaloob sa 2023 budget.

Sinasabing nai-download na ang kabuuang P1.023 bilyong badyet na pambayad sa danyos sa 362 claimants.

Sabi nga ni Hataman: “Hindi ito sapat, pero at least alam na nating gumugulong na ang Marawi Compensation Program. Bibigyan nito ng pag-asa ang mga nag-file ng verified claims, na hindi na ito kwestyon kung mababayaran ba sila o hindi, kundi kwestyon na lamang ng kung kailan.”

Kumpiyansa si Hataman na tutuparin ng DBM ang pangako nitong itataas ang compensation fund sa P5 bilyon sa susunod na taon.

Kung susuriing maigi, hindi raw talaga sasapat ang naunang P1 bilyon na panukala para sa kompensasyon dahil hanggang nitong Agosto 31 ay nasa 4,762 na ang naghain ng claims para rito.

83

Related posts

Leave a Comment