EXTENDED ANG SIMREG

CLICKBAIT JO BARLIZO

TULAD ng inaasahan, extended ang SIM registration.

Kahapon ay pinalawig ng Department of Information and Communications and Technology (DICT) ng 90 araw ang deadline nito para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na mairehistro ang kanilang SIM card.

Ngayong araw na sana ang deadline ng registration pero may mga grupong umapela bukod sa talaga namang mababa pa ang bilang ng naitalang rehistrado.

Sabagay, ugali na ng Pinoy ang ‘teka-teka’ iyon bang kung kailan deadline na ay saka magkukumahog at kapag hindi na-accommodate ay hihirit ng extension.

Sa isang banda, balido naman ang apela ng ilang grupo tulad ng mga magbubukid, mangingisda, mga nasa malalayo at liblib na lugar na pahirapan sa pagrerehistro.

Nakita ang problemang ito noong kasagsagan ng pandemya kung saan nag-viral pa nga ang mga larawan at video ng mga guro at estudyante na sukdulang umakyat sa mga poste at bubungan para lang makasagap ng signal. Kung ganyan nga naman ang sitwasyon mo ay sinong gaganahang magparehistro kahit pa napaka-importante ng SIM.

Sa bilis ng panahon, kailangan nang magpaalam sa mga lumang pamamaraan at yakapin ang digital age. Hamon ito sa gobyerno.

Tayong mga Pinoy ay hindi dapat laging nangungulelat.

Problema pa rin ang malnutrisyon

Patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin habang nakatali ang karamihan sa mababang kita. Ang resulta: kahirapan.

Dahil sa kahirapang bunga ng salarin – taas presyo at mababang kita – ay maraming bata ang nagkukulang sa tamang nutrisyon. Sa madaling salita, napapabayaan ang tamang nutrisyon na mahalaga sa kanilang paglaki.

Ang nakadaragdag sa hirap ng bawat pamilya ay ang bumaling sa pangungutang para may pambili ng pagkain. Pandagdag sa kakarampot na ayuda na matagal ipamudmod ngunit saglit lang mamalagi sa palad.

Kapos nga as in salat ang mahirap sa pinansiyal na mahalaga para labanan ang inflation, na hindi ata ganap na tinututukan at binibigyan ng agarang solusyon.

Kaya naniniwala tayo sa survey (ngayon lang ata) na sadsad ang administrasyon ni Marcos Jr. sa paglaban sa inflation.

Hindi kayang patatagin ng administrasyon ang presyo ng bilihin kaya dagdag dusa nga ito sa may maliit na kinikita.

Mangungutang na lang ang pamilya para madagdagan ang kulang na pambili ng pagkain. Pero ano ang sustansya ng pagkain na mabibili ng kusing? Basta may maisilid lang sa tiyan at isakripisyo na ang nutrisyon ng mga bata? Laman ng tiyan ang mahalaga, dahil dito magiging malusog ang pangangatawan at utak.

Kaya marami ang bansot at nahihirapang intindihin ang itinuturo sa eskwelahan.

Tapos, wala pang solidong paraan na ginagawa ang ahensya ng edukasyon para maiangat ang kalidad ng edukasyon, na dinudumog ng maraming kakulangan – salat sa bilang ng mga guro, kulang sa classroom etcetera…etcetera..

Marami ang gumagradweyt, ngunit hindi ito sukatan ng tunay na layunin ng edukasyon. Magtatapos lang para makapagtrabaho? Anong uri ng trabaho, ‘yung mababa ang suweldo base sa kredensyal at qualification ng mga graduate?

Daming tanong kasi hindi naman nasasagot ang mga nauna kaya nagkakapatong-patong na.

Ang ginagawa tuloy ng iba ay lumayas ng bansa dahil mas maganda ang kaway ng buhay sa ibang bansa. Tinatakasan ang kahirapan.

Teka, may inilunsad na Philippine Multi Sectoral Nutrition Project (PMNP) na magsusulong ng sama-samang pagsisikap ng pamahalaan sa pagsugpo ng suliranin ng malnutrisyon at pagkabansot ng mga bata na nagiging sanhi ng maigsi at matagal na resulta ng kahirapan.

Sana ay hindi ningas-kugon ang proyektong ito na pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang mga LGU.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Singh-Vergeire, ang PMNP ay nag-aalok ng simula para sa bagong inobasyon na pagsasama-samahin at may matatag na mga estratehiya.

Produkto umano ito ng kanilang “collective efforts” na bumuo ng mga programang nakasentro sa pangangailangan ng mga ina at mga anak. Mula sa dating feeding programs at nutrient provision services, palalawakin nila ang pamamaraan para mapunan ang diperensya at pagkakaiba sa ibang sektor na nakakaapekto sa nutrisyon.

Ang tanong: epektibo ba itong maipatutupad? Bilyones ang pondo kaya dapat ay hindi ito panandaliang aliw, este sustansya sa problema ng malnutrisyon.

Huwag naman sanang mabansot ang proyektong ito.

121

Related posts

Leave a Comment