GAMITAN SA PULITIKA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KARANIWAN na nating naririnig sa mga magkakaibigan na naghiwalay ng landas, ang mga salitang “user” o “manggagamit” na kesyo nakipagkaibigan lang ‘yung isa dahil gusto niyang gamitin ang isa para sa kanyang sariling kapakanan.

May mga bitter na nagsasabi rin ng “Naku, iwasan mo ang taong iyan, gagamitin ka lang niyan,” o kaya kapag tinanong ng common friends ang isa bakit hindi nila kasama ‘yung kanilang kaibigan, sasagot ng “user kasi eh”.

Pero ang matinding gamitan ay nangyayari sa mundo ng pulitika, sa mundo ng mga politiko at sanay na sanay talaga silang manggamit ng tao para sa kanilang sariling interes. Kung baga, doctorate na sila sa panggagamit.

Tingnan n’yo ang nangyari sa UniTeam, naggamitan lang sila noong nakaraang 2022 election at ngayon ay naghiwalay dahil nagamit na nila ang isa’t isa eh pero ang panalo sa gamitang ito siyempre ang Pangulo.

Bago lumarga ang 2022 presidential election, ang maugong na maglalaban sa presidency ay sina Bongbong Marcos at noo’y Davao City Mayor Sara Duterte pero nagkaroon ng negosasyon na imbes na maglaban ay magsama na lang.

Ayaw kasi nilang mahati ang boto dahil kung hindi ay si Vice President Leni Robredo ang mananalo, kaya nagkasundo ang dalawang kampo na magsama na lang kaya ang tawag doon ay gamitan na lang.

Nanalo naman sila pareho bagama’t may kuwestiyon sa kanilang pagkapanalo dahil sa ‘magic’ na gawa raw ng Smartmatic, pero dahil naggamitan lang sila naging mabuway ang kanilang samahan at ngayon ay hiwalay na.

Paparating na naman ang midterm election at ngayon pa lamang ay naggagamitan na naman ang mga politiko para masiguro na ma-solid ang boto at lahat sila ay mananalo para manatili sa puwesto.

Ito ‘yung alyansa ng political parties kung saan ang partido ni BBM ay nakikipag-alyansa sa lahat ng partido na gusto nila, maliban siguro sa PDP na pinamumunuan ngayon ng mga Duterte bilang paghahanda sa 2025 election.

Gagamitin ng administrasyon ang malalaking partido para masiguro na hindi mananalo ang mga kalaban lalo na sa Kongreso, dahil ang dalawang kapulungang ito ay may kapangyarihan na magpatalsik ng Pangulo.

Siyempre, hindi papayag ang mga partidong makikipag-alyado sa administrasyon na wala silang pakinabang. Una riyan, makasisiguro sila na magkakaroon sila ng political campaign funds at pangalawa ay makikihati sila sa kapangyarihan.

Kaya talagang gamitan lang sa mundo ng mga pulitika. Hindi lang naman ‘yan nangyayari ngayon kundi noon pa pero ang nasasagasaan sa gamitan ng mga politiko ay ang mamamayan dahil inuuna ng mga politiko ang kanilang interes kaysa interes ng bayan.

38

Related posts

Leave a Comment