AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG grupo ng mga kababaihang OFW na kasalukuyang nasa bansang Kuwait, ang dumulog sa AKO OFW sa pamamagitan ng kanilang video message at mensahe sa Messenger apps upang magpasaklolo para sila ay makauwi na sa Pilipinas.
Ang nasabing mga kabayaning OFW na nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng Catalyst Manpower ay kasalukuyang nasa ”accommodation” ng kanilang foreign recruitment agency
Reklamo nila ay ang ginagawang paglipat sa kanila sa ibang employer kahit na ang nasabing employer ay dati nang inirereklamo ng iba nilang kasama na nauna na sa kanila dahil sa pang-aabuso.
Bukod pa rito ang napakamiserableng pagtrato sa kanila sa loob ng accommodation na kanilang tinitirhan na maging ang pagpapakain sa kanila ay daig pa ang isang busabos na alipin.
Ayon sa kanilang mensahe, “Gusto na po namin umuwi kaso pinipigilan po kami ng aming agency, tinatakot nila kaming kakasuhan at ipapakulong. Hindi lamang po yun, magbabayad pa raw kami sa kanila.
Binebenta kami sa mga among pinanggalingan na din ng kapwa naming Pinay na nakaranas na ng pang-aabuso. Sa halagang 1500 Kuwait dinars, kami ay binebenta na walang malinis na proseso.
Dito po kami ngayun sa accommodation ng agency, kinukulong nila kami dito, walang pagkain na sapat para sa ‘min. Lagi na lang po pinapakain sa ‘min nilagang adas at kanin lang. Sa loob pa po ng isang araw, isang beses lamang po kami kakain.
Pati ang aming personal na telepono kinuha nila buti na lang po ‘yung isa naming kasama naitago nya ang isa nyang telepono, hindi namin magawang kontakin ang sinumang gusto namin makausap lalo na ang pamilya namin sa Pinas o makahingi ng tulong kaninuman.
Lahat ng documento namin ay hawak nila, may ilan din po sa ‘min ang ‘di pa binibigay ang sahod sa mga inalisang employer. Ang ilan din po sa ‘min nagkakasakit na, yung isa samin dito may bukol sa pwerta at yung isa dinudugo at marami pang iba sa ‘min ang may sakit.
Tulungan nyo po kaming na makauwi na po sa Pilipinas. Kung hindi po kami nakaranas ng pang-aabuso ng aming mga naging amo magtatrabaho po kami. Iba po sa amin may sakit at sana makuha ang dapat naming makuha lalo na po sa ‘kin na isang buwang sahod at ang aking dalawang telepono na nasa aking amo”.
Samantala, sa video message na kanilang ipinadala ay umiiyak ang mga ito na nagsusumbong at nakikiusap na sila ay matulungan na makauwi na sa Pilipinas.
Anim sa kanila ay inihiwalay sa kanilang mga kasamahan ng dahil lamang sa pagtatangka nilang makalabas ng accommodation para makabili lamang ng pagkain. Pakiramdam diumano nila ay mistula silang mga hayop na ikinulong sa isang hawla. Sinusumbong din nila ang ginawang panggagahasa sa isa nilang kasamahan, ngunit imbes na tulungan ay sinabihan pang nagsisinungaling lamang.
Ang sumbong na ito ng ating mga kabayani ay agad nating ipinarating kay Labor Attaché Nasser Mustafa para sa agarang pagsaklolo sa ating mga kabayani.
129