HAZING SA PANAHON NG SOCIAL MEDIA

SIDEBAR

Sa kabila ng Anti-Hazing Law na naging batas noong 1995 bunsod ng dumaraming bilang ng mga namamatay sa hazing rites ng mga fraternity sa unibersidad, patuloy ang tradisyon nito at inasahan noon na huling biktima na ang law student ng University of Santo Tomas na si Horacio “Atio” Castillo na namatay noong 2017.

Nitong nakaarang linggo ay isa namang biktima ng hazing ang namatay na si Darwin Dormitorio na isang 4th class cadet sa Philippine Military Academy kung saan nanggagaling ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Bago kay Dormitorio ay marami na ring mga plebo sa PMA ang namamatay sa hazing at kasunod nito ang tahimik na imbestigasyon ng academy na nagreresulta sa dismissal ng mga kadeteng responsable sa hazing na pumatay sa plebo.

Pero ang kaso ng PMA cadet na si Dormitorio ang maituturing na unang naging viral sa social media matapos kumalat sa internet ang kanyang huling sulat sa kanyang mga magulang na nasa Cagayan de Oro habang siya ay nakaratay sa PMA Hospital matapos ang matinding hazing na kanyang dinanas.

Ang 20-anyos na si Darwin ay bunsong anak ni retired Army Col. William Dormitorio na miyembro ng PMA “Marangal” Class of 1974 kung saan kabilang din si dating PNP Director General Avelino Razon.

Pangarap ni Darwin na sumunod sa yapak ng kanyang amang si William kaya marahil kahit matinding hazing ang dinanas ay hindi niya isiniwalat ito sa kanyang mga magulang at kapatid at sinabi lang na nagkasakit siya kung kaya naospital.

Hindi nagpayaman sa serbisyo ang kanyang amang si Col. Dormitorio kung kaya masasabing hindi lumaki sa luho ang kanyang mga kapatid at kahit pizza at doughnut lang ang maipasalubong sa kanya sa ospital ay masaya na siya.

Nabasa marahil ng Malacañang ang nakakaluhang huling liham ni Darwin kung kaya iminungkahi ng Palasyo ang pagbibitiw ni PMA Superintendent Ronnie Evangelista na sinundan din ng pagbibitiw ng Commandant of Cadets na si Brig. Gen. Bartolome Bacarro na isang Medal of Valor awardee at miyembro ng PMA “Maringal” Class of 1988.

“In the military tradition of command responsibility, it is now the proper time for me as the head of institution together with the commander of cadets to relinquish our respective positions,” pahayag ni Gen. Evangelista sa harap ng media sa Baguio City.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbitiw ang PMA Superintendent at Commandant of Cadets dahil sa hazing at ito ay dahil na rin sa mga magkahalong simpatiya, lungkot at galit matapos maging viral ang huling sulat ni Cadet Darwin Dormitorio.

Sana ay magsilbing babala ang nangyari kay Cadet Dormitorio sa lahat ng mga upperclassmen sa PMA na maghinay-hinay sa pagpapahirap ng mga plebo at maging aral sana sa lahat ng kadete ang malungkot na nangyari kay Darwin.

Gaya ng hazing sa law fraternities, dapat maging huli na rin ang pagkamatay ni Atio Castillo at hindi na muling masundan sa ngalan ng kapatiran na dapat sana ay walang sakitan. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

132

Related posts

Leave a Comment