Hidilyn Diaz, halimbawa ng atletang inapi pero nakabangon

TIYAGA, lakas ng pag-iisip at pananampalataya sa Diyos ang sa loob ng apat na taong nakalipas ay naging sandata ni ­Filipino weightlifter Hidilyn Diaz sa kanyang pagbangon para muling buhayin ang ­muntik nang nasirang pangarap dala ng kawalan ng tiwala ng mga sports leader sa bansa.

Kaya ipinamalas ni Hidilyn sa lahat ng hindi naniniwala sa kanya na kaya niyang bumalikwas mula sa pagkabigo sa 2014 Asian Games tungo sa pagkakamit niya ng silver medal noong XXXI Games of the Olympiad sa Rio de Janeiro noong 2016.

Mula noon ay nakilala na siya na ‘palaban,’ na kahit na anong pagsubok ay ‘di sumusuko.

Kung noon ang 25-anyos na si Hidilyn ay nagpadala sa presyur ng mga matataas na ­opisyal sa Philippine Olympic Committee at maging ng kanyang sariling pederasyon bago siya nakapasa sa Rio, e di sana’y bumalik ang pambansang delegasyon na ang tanging dala ay isang malaki at matabang itlog lang!

Pinagreretiro na siya noon ng mga matataas na lider sa sports ng bansa dahil umano ay laos na siya, wala nang silbi at ­sayang lang ang pinasusuweldo sa kanya.

Ngunit ang kumikislap at maningning na medalyang pilak na naiuwi ni Philippine Air Force Airwoman Hidilyn Diaz ay naging simula pa lamang ng kanyang pagbangon sa balong una niyang kinasadlakan.

Dalawang taon matapos ang Rio Summer Games, niregaluhan ni Diaz ang mahal niyang bansa ng kauna-unahan nitong gintong medalya sa ­weightlifting sa 2018 Asian Games sa Jakarta. At sa ­sumunod na taon ay unang ­gintong medalya pa mula naman sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Maynila.

Noon lamang nakaraang Linggo, nakamit ni Hidilyn ang kanyang tiket para makarating sa Tokyo at makalahok sa XXXII Games sa pang-apat na pagkakataon.

At kung matutupad ang plano, ang may kaliitan pero malusog na anak ng tricycle driver mula Zamboanga, ay muling tatahakin ang mahirap na daan para mabigyan ang bansa ng kauna-unahang gintong medalyang buhat sa ­Olimpiyada.

Ang umuwing sabit sa kanyang leeg ang matagal na ­minimithing medalyang hindi napagtagumpayan ng mga nauna sa kanyang sina Anthony “Boy” Villanueva at Mansueto “Onyok” Velasco na kapwa boksingero, ang misyon ni Hidilyn.

Napanalunan ni Vilanueva ang kanyang silver noong 1964 sa Tokyo at si Onyok noong 1996 sa Atlanta, sa ika-100 anibersaryo ng Modern Olympics.

At siyempre, dalang muli ni Hidilyn ang mga armas na ginamit niya sa pagsungkit ng silver medal sa Rio – tiyaga, lakas ng pag-iisip at pananampalataya sa Panginoon.

“Hindi natin nakakalimutan yun dahil yung mga trait na yun ang nagdala sa akin para ­makabalik,” wika ni Hidilyn sa isang panayam bago siya magpunta sa Malaysia para doon maghanda sa Olimpiyada, bago mag-lockdown.

“Kailangan ang tiyaga dahil kung wala ito wala kang ­mararating,” aniya. “Kailangan ding determinado ka at ­naniniwala sa sarili mong kakayahan.”

“Ako naman, sa simula pa lang ng career ko, I haven’t lost faith kay Lord,” sabi niya sa ­reporter na ito. “Like what He did to me in resurrecting my ­career, tutulungan din niya ako para ­mag-qualify sa Tokyo and who knows, manalo ng gold.”

Para kay Hidilyn, ang tumigil sa panahong ito ay wala sa kanyang isip.

“Yes, iyon talaga ang ­malaking pinapangarap ko, win an Olympic gold medal. At hindi naman ako lang, lahat ng atleta ang pangarap ay makalaro sa Olympics at ­kapag nandoon na, manalo ng gold medal,” pagtatapat niya.

244

Related posts

Leave a Comment