EDITORIAL
PINALITAN lang ang pangalan, ngunit nanatili ang diwa ng panawagan.
Magsasagawa ng protesta ang grupong Manibela ngayong Martes para muling ipanawagan ang pagpapatigil sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Nilinaw ng grupo na hindi ito transport strike kundi protesta, na inaasahang lalahukan ng aabot sa 10,000 hanggang 15,000 jeepney drivers at operators sa Metro Manila pa lang.
Aarangkada ang protesta sa UP Diliman bandang alas-10 ng umaga at magka-caravan papuntang Welcome Rotonda, bago magmamartsa papuntang Mendiola.
Inaasahang sasama rin sa protesta ang mga komyuter at mga estudyante. Sama-samang ipananawagan at ipagtatanggol ng mga driver at operator ang kanilang prangkisa at kabuhayan kaya kakatukin nila ang pintuan ng Malacañang at ang Pangulo.
Simula Pebrero 1 ay ituturing nang ‘colorum’ ng LTFRB ang mga unconsolidated na jeep sa ilalim ng isinusulong na PUV modernization program.
Sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas upang iapela sa Opisina ng Presidente ang suspensyon PUVMP, sinabi ni DOTr Office of Transportation Cooperative Chairman Andy Ortega na itutuloy pa rin ang programa sa ilalim ng kautusan ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa isang mambabatas, hindi pa handa ang LTFRB sa PUVMP kaya hinihikayat niya si Pangulong Marcos Jr. na aralin nang mabuti ang implementasyon dahil marami ang maaapektuhang kabuhayan.
Kung pagbabatayan ang kwento ng isang driver-operator kung paano sila nawalan ng karapatan at pagmamay-ari ng kanilang jeepney matapos sumapi sa kompanya, sa kabila ng naunang kasunduan na papayagan pa rin silang mamahala ng kanilang sasakyan, ay mas mainam na itabi muna ang implementasyon at masusing pag-aralan o mas makabubuting gumawa ng mga paraan ang mga mambabatas at mga ahensiya para maging balanse ang programa.
Habang hinihintay rin ng grupo ang desisyon sa kanilang petisyon para sa temporary restraining order ay busisiin muna ng mga ahensya at ng pamahalaan ang benepisyo at epekto ng PUVMP.
266