HUGAS-KAMAY O IWAS-PUSOY?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY kanya-kanyang diskarte ang mga taong gobyerno para makaiwas sa sisi, reklamo o kaso. Nariyan ang mga palusot o iyong turo nang turo o kaya naman ay kusang nagbibitiw na lang sa pwesto para tapos agad ang kwento.

Sa kaso ni Secretary Marian Antonia Yulo-Loyzaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mas lamang ang hugas-kamay nang sabihin niyang wala sa kanyang mandato ang magsuspinde sa anomang aktibidad na nakapipinsala sa kalikasan. Hindi rin aniya trabaho ng kanyang departamento na bawiin ang iginawad na suspensyon.

Teka, mukhang umiiwas lang ang Kalihim sa sakit ng ulo. Bakit kamo? Malinaw naman kasi sa batas na lumikha ng kanyang kagawaran ang mga trabahong dapat inaatupag ng naturang departamento, batay sa Executive Order 192 na nilagdaan noong 1987 ng yumaong Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino.

Sa ilalim ng EO 92, malinaw ang responsibilidad ng DENR – pangalagaan, pangasiwaan at isulong ang wastong paggamit ng likas na yaman na mayroon tayo.

Sa madaling salita, sila ang bida pagdating sa mga usapin kaugnay ng kalikasan.

Nang ihayag ang suspensyon ng Manila Bay reclamation, bakas sa kanya ang tikas at emosyon sa repormang bitbit sa kanyang pagkakahirang sa pwesto.

Pero matapos ang tatlong buwan, nagbago ang ihip ng hangin.

“The DENR neither suspended, nor lifted suspension,” ani Yulo-Loyzaga ilang saglit matapos bawiin ang suspension order na ipinataw sa dalawang reclamation projects sa Lungsod ng Pasay.

Ang masaklap pa, nagturo pa ng ibang ahensiya ang anak ng isa sa pinakamalaking haciendero – “It is a matter to be handled by the Philippine Reclamation Authority.”

Kung wala rin naman palang kapangyarihan ang DENR sa usapin ng kalikasan, ano pa ang silbi niya sa sambayanan?

Batid ng lahat na mayaman si Yulo-Loyzaga. Kung tutuusin, barya lang para sa kanya ang buwanang sahod bilang Kalihim ng naturang departamento pero ano kaya ang pumipigil sa kanya para magbitiw na lang sa pwesto?

Ang mga byahe ba gamit ang pondo ng kanyang departamento? Ayon ‘yan kay Sen. Raffy Tulfo ha. O ang interes ng pamilya sa legal na usapin ng hacienda nila sa lalawigan ng Palawan?

Nagtatanong lang po.

152

Related posts

Leave a Comment