Bakit sa kabila ng mahigpit na kampanya ng ating gobyerno sa illegal drugs, hindi pa rin ito na nasusugpo o nababawasan man lang at parang lumalala pa ang problemang ito?
Ang anti-drug campaign ay isa sa mga flagship program ng kasalukuyang administrasyon kung saan ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong umupo siya na kanyang tatapusin ang problemang ito sa loob lamang ng anim na buwan. Subalit nabigo siya at humingi ng extension matapos nitong matuklasan na ang problema ng droga sa buong bansa ay mas malala pala kaysa sa kanyang inaasahan.
Halos mag-aapat na taon na ang anti-drug campaign ng gobyerno subalit nanatili ang problema.
Ang pinagbabasehan natin sa ating papanaw ay ang lumalabas na ulat sa araw-araw tungkol sa mga nasasabat at nakukumpiskang droga ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at maging ng Bureau of Customs mula sa mga nakakapasok sa bansa sa pamamagitan ng ating mga airports, pier at maging sa ating mga karagatan na mga multi-milyon o hanggang multi-bilyon ang halaga ng shabu, cocaine at iba pang mga party drugs.
Ang ilan dito, ay ang nakumpiska ng mga tauhan ng BOC at PDEA sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na P1.8 bilyong shabu; ang nasabat na P1 bilyong halaga ng shabu sa isang warehouse sa Malabon kamakailan; P218-M cocaine natagpuan sa karagatan ng Sorsogon at marami pang iba.
Nang maupo si Pangulong Duterte noong 2016, sinasabi niya na ang bilang ng drug users sa buong bansa ay 3 hanggang 4 milyon sublit sa kanyang pronouncement nitong 2019, umaabot na ito mula 7 milyon hanggang 8 milyon.
Anong nangyari, bakit lalong dumami sa halip na nabawasan, ang itinaas ay mahigit sa 300%.
Ito ba ang sinasabing matagumpay na anti-drug campaign ng ilang opisyal ng gobyerno? Kasi dati raw sa Pilipinas nila ginagawa ang illegal drug, subalit na nabuwag na ang mga ito at ang droga na umiikot ay mula sa ibang bansa tulad sa Mexico, Cambodia, Thailand partikular sa China. Karamihan naman sa mga nahuhuling suspek ay mga Chinese at ang iba pa sa kanila ay nakakapasok sa bansa na walang karampatang mga dokumento.
Itinuturo ng mga awtoridad na kagagawan umano ito ng isang international drug syndicate gaya ng Golden Triangle.
Ang nakakapagtaka, bakit tila walang takot ang sindikatong ito sa pagpapasok ng mga ilegal na droga sa bansa kahit batid nila na seryoso ang gobyerno sa anti-drug campaign, lalo na si Pangulong Duterte na nakikita naman natin sa ipinatutupad na “Tokhang campaign” na walang takot kontra sa mga drug pushers at addicts.
Siguro sikapin ng ating mga awtoridad na magkaroon ng govertment-to-government na pag-uusap upang matulungan tayo sa ating anti-drug campaign.
Kawawa kasi ang mga mamamayan natin na nagiging biktima lalo na ang mga kabataan. (Point of View /NEOLITA R. DE LEON)
186