Sumambulat sa balita ang anomalya sa paggamit ng pondo ng PhilHealth para sa dialysis treatments kamakailan, na ikinagalit ng marami nating kababayan.
Ayon sa balita, patuloy na sinisingil ng pribadong dialysis treatment centers ang PhilHealth para sa mga pasyenteng pumanaw na, na tinaguriang ‘ghost patients.’
Pinangalanan ang pribadong health center na sangkot sa anomalya, ang WellMed Dialysis Center sa Quezon City. Ayon sa PhilHealth, nasa 2,000 health providers ang isasailalim ng imbestigasyon.
Para kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, masamang balita ito para sa lahat ng dialysis patients.
Aniya, ang pondo na laan dapat sa kanila ay napupunta lamang sa bulsa ng iilang ganid na mga klinika at mga kasabwat nila sa loob ng PhilHealth.
Samantala, bago magsara ang ika-17 Kongreso ay pumasa sa Kamara ang batas para sa libreng dialysis treatments para sa mahihirap. Ito ay tugon sa daing ng marami sa napakamahal na dialysis, na pangunahing suliranin ng mga pasyente, bukod pa sa kakulangan ng PhilHealth-sponsored treatments at ang mababang kalidad ng mga ito. Maraming namamatay dahil hindi nila kaya ang mataas na bayarin sa dialysis.
Ang libreng dialysis para sa mahihirap ay usapin ng buhay at kamatayan. Ikinatutuwa natin ang pagpasa ng batas na ito sa Kongreso, ngunit marami pa tayong dapat maisagawa upang tuluyan itong maging batas. Gayundin, kailangang kagyat na bigyang pansin at imbestigahan ng Kongreso ang ‘ghost patients’ ng PhilHealth, upang maging panatag ang taumbayan na ang perang ibinabayad nila sa PhilHealth ay hindi lamang napupunta sa bulsa ng iilan. Lalo pa itong nagiging mahalaga habang ating itinutulak ang libreng dialysis treatments para sa mahihirap na pasyente sa darating na ika-18 Kongreso. Dahil sa kabila ng ating tagumpay sa pagsasabatas ng libreng dialysis, kung patuloy ang korapsyon sa PhilHealth, kawawa pa rin ang taumbayan! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
113