IMMIGRATION OFFICERS SA CLARK, PINAGBABANTAAN!

BISTADOR Ni RUDY SIM

DAHIL sa pagkakabuking sa power tripping ng mag sing-irog na opisyales na pawang mga “Eba” ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Clark International Airport, ay nakararanas umano ang Immigration Officers dito ng pananakot at pagbabanta na sila’y ipatatapon sa Mindanao sakaling matukoy kung sino ang nagsusumbong sa atin sa mga katiwaliang nangyayari sa CIA.

Matatandaang nakaraan lamang ay dumulog sa atin ang ­ordinaryong mga kawani ng ahensya upang iparating ang kanilang karaingan kay BI Commissioner Norman Tansingco, at matapos ang paghahari-harian ng dalawang “Eba” ay pinag-iinitan na umano ang kanilang mga tauhan na hindi sumusunod sa kanilang mga maling gawain.

Tila isang kontrabida sa teleseryeng “Ang Probinsyano” umano itong si alias “JR” kung umasta dahil sa nakadikit ito sa isang mataas na opisyal na kanyang kasama sa “sarap at ginhawa” lalo’t kung sa panahon ng tag-lamig na ang ang isang “ibong pipit” ay nangangailangan ng mahigpit na yakap at fully charge na vibrating massager upang ­maibsan ang kanilang sakit ng katawan.

Dapat ding tingnan at pabantayan ni Tansingco ang raket umano ng dalawang peborit sa Clark na sina alias “Notary Public” at “Laki Mata” na responsable sa pagpapalusot ng mga pasaherong kahina-hinala ang travel documents at pangongotong sa mga dayuhang Chinese at Indian national.

Naniniwala tayo na hindi lahat ng mga kawani ng BI ay bulok sapagkat marami pa rin ang mga tauhan dito ang patuloy na nagtitiwala at naniniwala sa atin upang makarating sa mga nakatataas ang kanilang malasakit upang maiwasan ang isyung maaaring muling magpabagsak sa kredibilidad ng pangalan ng ahensya at kahihiyan ng ating bansa.

Pakitingnan mo nga, Mr. Tansingco, Sir, itong isang sumbong sa atin na isang IO sa Clark na asawa umano ng isang “bossing” ng mga Indian national na si alias “Manish” ang siyang nagmamaniobra sa araw-araw na kinikita sa dalawang flight mula Singapore na naglalaman ng napakaraming pasaherong “Bumbay” na dumarating sa ating bansa.

Base sa ating matagal nang karanasan at kaalaman sa mga ganitong raket, ay mas maluwag ang Singapore immigration sa umaalis na mga Bumbay kaysa New Delhi at sila’y iniimporta sa Pinas upang magtrabaho sa “lending business” na 5-6, ika nga. Habang ang mga ito ay nag-aaral ng wikang Pilipino ay sila’y ilalagay muna sa mga ­probinsya kagaya ng Bicol, Samar at Leyte upang masanay sa Tagalog bago sila dalhin sa Kamaynilaan.

Kung nasangkot ang mga Chinese sa iba’t ibang karahasan sa bansa ay mas matindi rin ang ‘business war’ ng mga Bumbay ­pagdating sa teritoryo kung saan ay marami nang naitalang pinapatay ang kanilang mga kababayan upang maagaw ang kanilang negosyo.

Abangan sa susunod at atin namang ibibisto ang raket ng isang IO na si alias “DC” sa NAIA na nagpatakas umano ng Chinese.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

54

Related posts

Leave a Comment