IMPEACHMENT VS VP SARA, PAGSASAYANG LANG NG PERA NG GOBYERNO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SA aking pananaw, hindi napapanahon ang usapin ng pagsasampa ng impeachment case laban kay Vice President Inday Sara Duterte.

Bakit kamo? Ito ay isang uri ng usaping politikal.

Bakit natin sinabi ‘yan? Ayaw natin ng impeachment hindi dahil kinakampihan natin si VP Sara, isa na namang kasing pagkakagastusan ‘yan ng ating gobyerno.

Mas maraming dapat tutukan ang kasalukuyang administrasyon, lalo na ang may kinalaman sa kumakalam na sikmura ng mga Pilipino.

Binayo tayo ng sunod-sunod na mga bagyo nitong nakaraang mga buwan na lalong nagpataas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.

Hindi pa nga tumatama ang mga bagyong nagdaan ay mataas na ang presyo ng pangunahing mga bilihin kaya maraming mga pamilya ang umaaray.

Makalipas ang mga bagyo ay lalong dumami ang nagugutom nating mga kababayan, wala namang maayos na tugon ang gobyerno para makabawi ang ating mga kababayan sa hagupit sa kanila ng mga kalamidad.

Nagbibigay ng ayuda ang ating pamahalaan sa mga tinamaan ng mga kalamidad, ngunit pinakamahaba na ang para sa loob ng dalawang linggo na paggamit ng ating mga kababayan.

Paano na ang susunod na mga linggo? Ngayon pumasok na ang buwan ng Disyembre, marami sa ating mga kababayan ang hindi alam kung saan sila kukuha ng kanilang pagsasaluhan sa araw ng kapanganakan ni Panginoong Jesus.

Wala na ngang linaw kung paano kakain ang lahi ni Juan Dela Cruz sa Kapaskuhan, isa na namang malinaw na pagkakagastusan ng gobyerno ang impeachment laban sa Bise Presidente ng bansa na si Inday Sara na iniluklok ng nasa 32 milyong Pilipino noong 2022 national elections.

Pormal nang sinampahan kamakalawa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng impeachment case si VP Sara.

“Today, I formally endorse the first-ever and historic impeachment complaint filed by our citizens against Vice President Sara Duterte,” ayon kay Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.

Bukod sa partido ni Cendaña, kasama sa naghain ng kaso si dating Sen. Leila de Lima, para sa mga reklamong betrayal of public trust, culpable violation of the constitution, bribery, graft and corruption and other crimes.

Gusto nilang panagutin si VP Duterte sa umano’y maling paggastos sa kanyang confidential fund mula 2022 hanggang 2023 na nagkakahalaga ng P612.5 million.

“I stand in full support of the brave citizens calling for Duterte to answer for her blatant violations of the Constitution, egregious corruption, and complicity in mass murder,” ayon sa mambabatas na tanging endorser ng impeachment complaint.

“Panahon na para isara ng taumbayan ang bangunot na dulot ni Sara. Vice President Duterte deserves to be impeached for her abuse of power and plunder of the nation’s coffers,” dagdag pa niya.

Imbes na bantayan n’yo ang mapagsamantalang mga negosyante na nagiging dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin ay puro pamumulitika ang inyong ginagawa. Sabi tuloy ng ating mga tagasubaybay, sir, makakain ba ang impeachment ng mga Pilipino.

Bakit ‘pag natanggal ba si VP Sara ay gaganda ang buhay ng mga Pilipino? Balakid ba sa inyong mga kagustuhan si VP Sara kaya gusto niyo siya alisin sa kanyang pwesto?

Maging ang inyong lingkod ay ramdam ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya hindi rin tayo pabor sa impeachment laban kay VP Sara.

Nakikita kasi natin na gastos lang ang gagawin ng ating gobyerno sa usapin na ‘yan ng impeachment. Ambot sa inyo!

26

Related posts

Leave a Comment