INTEGRIDAD NG HALALAN

SA pag-amin ng Commission on Elections (Com­elec), tuluyan nang nasagot ang ­katanungan ng publiko hinggil sa seguridad at integridad sa resulta ng nalalapit na halalan sa Mayo.

Gaano nga ba katiyak ang Comelec na walang magaganap na dayaan sa kinapapanabikang eleksyon?

Ang totoo, walang kasiguruhan lalo pa’t ang mismong automated election system na gagamitin sa Mayo ang napasok ng isang empleyado ng Smartmatic Inc. na ginawaran ng kontrata para pangasiwaan ang teknolohiyang kalakip ng halalan.

Sa kabila ng deklarasyon ng Comelec at Smartmatic na tanging mga datos lang ng kanilang internal organization at aktibidades ng komisyon ang naligwak na impormasyon, malinaw itong patunay na kayang pasukin ng sino mang may malalim na kaalaman sa makabagong teknolohiya, ang ­naturang sistemang gagamitin sa halalang magtatakda ng kinabukasan ng mga Pilipino.

Kung tutuusin, hindi biro ang naganap na “data leak” sa election automated system. Hindi dapat ipagkibit-balikat ng Comelec ang naturang usapin lalo pa’t mahigit isang buwan na lang ang nalalabing panahon para mapagtibay ng komisyon ang security features ng automated election system.

Nakalulungkot isiping sa halip na maglunsad ng mas malalim na imbestigasyon para matukoy ang nasa likod ng “data breach,” sinibak ang bulilyasong empleyado ng Smartmatic.

Paano ngayon malalaman ng pamahalaan kung sino ang utak sa likod ng naturang “data breach?”

Gayunpaman, may pakonswelo de bobo ang Comelec sa publiko. Anila, pag-aaralan nila kung ano ang pinakamagandang hakbang sa sandalling ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon.

Susmaryosep! Isang buwan na lang at halalan na. Pag-aaralan pa lang ang magiging hakbang?

Bagama’t una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na mayroon na silang contingency measures, kabilang sa kanilang sinisilip ay ang manu-manong bilangan ng mga balotang magiging batayan ng resulta.

Ang siste, parang press release lang ang pahayag ni Commissioner Garcia dahil batid naman ng lahat na tinabasan ng Kongreso ang kanilang budget sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Sa madaling salita, walang sapat na pananalapi ang komisyon para sa manu-manong paraan ng pagbibilang ng boto.

151

Related posts

Leave a Comment