Sa pansamantalang paglalakbay ang pag-alis ko na ito sa Pilipinas, may isang salitang naipaalala ulit sa akin ng aking mga bagong karanasan at mga nakilalang tao: ang interseksiyon.
Maraming pakahulugan ito. Pwede nating sabihing isang sangang-daan. Salubungan. Overlap.
Sa mga naunang babaeng aktibista, o mga feminist, nakuha natin ang teyorya ng intersectionality, na sa payak na pananalita ay tumutukoy sa pagsasalubong o banggaan ng mga kategorya gaya ng gender, lahi, uri na nagdudulot ng patung-patong na opresyon lalo na kung galing ka sa mga panlipunang kategorya na madalas ang naapi, na nama-marginalize. Halimbawa, kung ikaw ay tinatawag na kabilang sa People of Color, babae, at nasa mababang social class, mas delikado ka sa operasyon o diskriminasyon.
oOo
May iba pa rin akong karanasang kaugnay ng salitang interseksiyon.
Habang ako’y nagmamasid at nagninilay ng mga bagay-bagay, may ibang salubungang nangyayari sa isip ko. Ang banggaan ng mga imahe na naiwan ko sa Pilipinas at mga nakakaaliw sa mata at damdamin na mga larawan ng pamumuhay dito. Naririto ang maayos na trapiko, sariwang hangin, malilinis na ilog at paligid, maberdeng gubat at bundok kahit nasa siyudad ka, maaliwalas na kapaligiran at maalwan na pagkilos ng mga tao. Mayroon ding disiplinadong mamamayan kahit sa simpleng bagay gaya ng paghihiwa-hiwalay ng basura. May support system ang substance users, iginagalang ang kanilang karapatang-pantao. Sa pangkalahatan, maayos ang sistema ng lipunan.
Pag nababaling ang isip ko sa naiwan, tumatambad sa gunita ang siksikan, sala-salabat o patung-patong na mga bahay lalo na ng informal settlers, ‘di gumagalaw na estero at puno ng basurang mga ilog; kalbong mga bundok at natutuyong mga ilog, malaking parking lot na kalsada gaya ng EDSA, usok at init sa mga lansangan, siksikang tao sa mga tren, kakulangan ng disiplina sa iba’t ibang antas at larangan. Sa halip na makabulungang solusyon, pinapatay na lamang ang substance users. Kolehiyo pa lang ako, alam na natin na malala ang problema sa ating mga sistema.
Sa salubungang naglalaro sa isip ko, nalungkot, nainggit, nagagalit ako. Sa dami kasi ng banggaang ‘di matapus-tapos, ‘di sumabug-sabog, ‘di maharap-harap, tila ‘di din tayo totoong makausad-usad bilang isang bansa. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
377