INUNA YABANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KUMAMBYO ang Department of Transportation (DOTr) sa planong magpatupad ng libreng sakay sa commuters simula sa unang araw ng Nobyembre.

Ayan, naudlot ang sana’y maagang pamasko na libreng sakay sa mga bus at jeepney sa mga commuter.

Nauna pabida, aatras din pala.

Una nang napaulat na posibleng maibalik ang libreng sakay ngayong Nobyembre dahil may mailalabas na pondo para rito.

Pero, eto nga, malabo pang maibalik ang libreng sakay.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, sa halip na libreng sakay, pinag-aaralan nilang mag-alok ng discount sa mga commuter dahil mas marami ang makikinabang. Maaari raw itong magtagal hanggang sa Disyembre.

Unang inilunsad ang libreng sakay noong 2020 para matulungan ang publiko sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 pandemic, sa pagbibigay ng libreng transportasyon. Tinatayang nasa 80.8 milyong pasahero ang nabenepisyuhan.

Ang free ride service sa EDSA Carousel o Busway system ay nagtapos na noong Disyembre 31, 2022.

Ngayon, plano ng DOTr na mag-alok ng discount sa mga pasahero.

May ambag na naman ang publiko sa programa ng gobyerno. Pera naman ng taumbayan ang ginagastos sa service contracting program.

Sa ilalim ng programa, ang operators at drivers na nagpartisipa ay tatanggap ng one-time payout at lingguhang bayad batay sa kilometrong biyahe kada linggo, may pasahero man o wala.

Ngayon sa halip na service contracting, mag-aalok na lamang ng discount sa mga pasahero at magbibigay ng subsidiya sa mga drayber at operator.

Maganda na ang una, tetestingin na naman ang discount at ang subsidiya.

Peyborit nga pala ng gobyerno ang subsidy. Bakit kaya?

Ah lagi nga kasing may bida sa ayuda.

261

Related posts

Leave a Comment