Kamakailan ay nagpahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na dapat Smartmatic ang gamitin sa eleksyon sa 2022. Pinapatibay pa nito ang tindig ng Bayan Muna noon pa na dapat nang pagbawalan ang paglahok ng Smartmatic sa eleksyon sa Pilipinas dahil sa maanomalya, magastos, at hindi kapani-paniwalang mga halalan gamit ang mga makina nila.
Kung ating aalalahanin, kinontrata ng Comelec ang Smartmatic-Total Information Management Corporation (Smartmatic-TIM) para mag-supply ng 23,000 optical mark reader (OMR) machines na ginamit noong eleksyon 2016. Noon pa lamang ay sinabi na ng Bayan Muna na lubhang kaduda-duda at maanomalya ang pangyayaring ito, dahil nauna nang sinabi ng Comelec na disqualified na ang Smartmatic sa bidding. Pinuputakti ng isyu ng pandaraya, bribery, at technical issues ang Smartmatic-TIM. Isa na rito ang pagiging “shell corporation” nito. Ibig sabihin panakip lamang ang korporasyong ito upang itago ang mga tunay na may-ari, istruktura, at assets. Ito ay seryosong usapin na dapat sana’y binigyan ng karampatang aksyon ng Comelec.
Ngayon, batbat ng maraming usapin ang nangyaring 2019 midterm elections. Daan-daan ang hindi gumanang vote counting machines, daan-daan ang sirang SD cards, at ang pitong oras na delay sa transmisyon ng mga boto patungo sa servers.
Maraming kailangang ipaliwanag ang Comelec kapag sila ay humarap sa Kongreso sa kanilang taunang badyet. Pinalitan lamang ang pangalan ng mga makinang ginamit—mula Precinct Count Optical Scan (PCOS) dati ay naging OMR machines at Vote Counting Machines (VCM)s na, ngunit ito pa rin ang mga palpak na makinang ginamit sa mga nakalipas na mga eleksyon.
Marami ang tinanggalan ng karapatan sa pagboto, at kaawa-awa ang naging lagay ng mga guro na nagbantay ng ating mga boto.
Hindi lamang dapat madiskwalipika ang Smartmatic-TIM, dapat silang ma-ban sa lahat ng susunod na eleksyon sa Pilipinas. Gayundin, kailangan na pag-isipan ng Comelec kung kailangan natin ng mixed o hybrid elections, halimbawa, manwal na botohan at automated na canvassing.(Kakampi Mo ang Bayan /TEDDY CASIÑO)
289